Balita

Mamamahayag na bilanggong pulitikal sa Tacloban City, binisita ng UN Special Rapporteur

,

Nagpasalamat ang mga grupo ng mamamahayag at alternatibong midya sa pagbisita ni Irene Khan, United Nations Special Rapporteur on Free Expression and Opinion, sa nakakulong na mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na sina Marielle Domequil at Alexander Abinguna sa Tacloban City Jail noong Enero 27. Ang tatlo ay nakakulong sa itinuturing ng mga grupo na gawa-gawang mga kaso kabilang ang pagdadawit sa kanila sa “terorismo.”

Ayon kay Khan, “kami pa lamang ang internasyunal na mga bisita na pinahintulutan makita sila!” Binatikos ng special rapporteur ang napakabagal na pag-usap ng kaso ng tatlo. Pagtatanong niya, “gaano pa sila katagal maghihintay bago makalaya?”

Ipinahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Altermidya Network ang kanilang pasasalamat sa ginawa ni Khan na pagbisita sa mga bilanggong pulitikal. Ayon sa NUJP, “hindi na dapat maghintay pa ng kahit ilang minuto bago sila palayain.”

Si Cumpio ay mamamahayag ng Eastern Vista, alternatibong midya sa rehiyon ng Eastern Visayas. Inaresto siya kasama sina Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines, Abinguna, Mira Legion at Marissa Cabaljao sa isang iligal na reyd ng mga pulis noong Pebrero 7, 2020 sa isang upisina sa Tacloban City. Sinampahan sila ng mga kasong illegal possession of firearms.

Noong Hulyo 2021, sinampahan ng estado ng dagdag na kasong “financing terrorism” sina Cumpio at Domequil. Pinalalabas ng estado na ang pondong nasamsam mula sa kanila ay para umano sa mga operasyon ng Bagong Hukbong Bayan na pilit nitong binabansagang “teroristang organisasyon.”

Naniniwala ang NUJP na dapat nang ibasura ang mga gawa-gawang mga kaso laban kila Cumpio. Anila, ang ebidensya laban sa kanila ay itinanim, at ang mga testimonya ay pawang pineke. Dagdag ng grupo, ang ginawang panggigipit sa mamamahayag na si Cumpio ay katulad din ng ginawa kina Lady Ann Salem at Anne Krueger na pawang sinampahan din ng mga gawa-gawang kaso.

Samantala, katulad ng inaasahan at ginawa na dati, minasama at siniraan ng National Task Force-Elcac sa pamamagitan ng pahayag ni Prosecutor Flosemer Chris Gonzales, tagapagsalita ng Regional Task Force-Elcac Region 6, ang naging pahayag ni Khan at sinabing iyon ay “direktang insulto” sa kanila. Si Gonzales ay kilalang kadikit ng mga Duterte.

Sa harap ng patung-patong na pag-atake sa kalayaan sa pagpapahayag at opinyon, ipinahayag ng NUJP ang kanilang pag-asa na “magsusulong ang special rapporteur ng mga rekomendasyon para mawakasan ang ganitong mga paglabag.”

AB: Mamamahayag na bilanggong pulitikal sa Tacloban City, binisita ng UN Special Rapporteur