Balita

Mapaminsalang operasyon ng quarry sa Negros, pinatitigil

Noong Agosto 12, nagkaroon ng dayalogo ang mga magsasaka sa Silay City at Provincial Environment Management Office (PEMO) upang iparating ang kanilang apela na wakasan na ang operasyon ng mga kumpanya ng quarry sa Silay City, Negros Occidental.

Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas – Negros, kinundena ng grupo ang walang tigil na paghahawan sa kagubatan para bigyang daan ang naturang mga operasyon na nagdudulot ng madalas na pagbaha at pagkawasak ng mga pananim ng mga magsasaka at kabuhayan tuwing tag-ulan.

Ayon sa grupo, hindi pa nakababawi ang mga magsasaka mula nang magkaroon ng matinding pagbaha noong Enero at dagdag pahirap sa kanila ang madalas na pagbaha sa kanilang mga sakahan sa tuwing umuulan.

Pagdadahilan ng pinuno ng PEMO, may permiso umano ang mga kumpanya at nakapagpasa ng mga kinakailangang dokumento.

Tugon ng mga magsasaka, walang naganap na public consultation sa mga maliitang nagsasaka sa lugar bago bigyan ng permiso ang mga kumpanya.

Noong Enero 1 at Enero 8 nagkaroon ng matinding pagbaha kung saan naapektuhan at napilitang magbakwit ang mahigit 76,000 residente sa mga syudad ng Talisay, Silay, Victorias, Sagay, Cadiz at bayan ng E.B. Magalona.

Sa tala ng KMP-Negros mayroong limang operasyon ng quarry sa lugar na pagmamay-ari ng malalaking negosyante at ng meyor mismo ng Silay City na si Mark Andrew J. Golez. Naiulat din na notoryus si Golez at mga kasosyo nito sa paghuhukay ng lupa at mga bato mula sa ilog at pagtatambak dito ng maruming tubig at basura.

Dahil sa apela ng mga residente noong Enero, nagpahayag ang lokal na pamahalaan ng Negros Occidental na magkakaroon ng rebyu sa mga permit ng operasyon ng quarry sa lugar subalit hindi pa ito inaaksyunan hanggang ngayon.

Bilang tugon sa panawagan ng mamamayan na parusahan ang dambuhalang operasyon ng quarry sa erya, tatlong backhoe ang pinaralisa ng BHB-Northern Negros noong Abril 12.

AB: Mapaminsalang operasyon ng quarry sa Negros, pinatitigil