Balita

Matandang inaresto sa Olongapo City, maling pinalalabas ng rehimeng Marcos na dating kumander ng hukbong bayan—PKP

Pinasinungalingan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pinangangalandakan ng Philippine National Police at ng rehimeng Marcos na naaresto nito ang kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na si Prudencio Calubid noong Disyembre 7 sa Barangay Gordon Heights, Olongapo City. Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, hindi si Calubid ang inaresto dahil noon pang 2006 siya dinukot at iwinala ng rehimeng Arroyo.

“Mahigpit naming tinutuligsa ang rehimeng Marcos…sa bulaang pahayag [at] kinukundena namin ang pag-aresto sa hindi kilalang matandang lalaki,” ayon kay Valbuena. Malinaw na motibo ng pag-aresto ang makubra ang ₱7.8 milyong ipinatong ng militar at pulis sa ulo ni Calubid, aniya.

Ayon sa PNP, naaresto ang matanda sa ilalim ng “Oplan Pagtugis” at “Oplan Salikop.” Isang buwan umano ang kanilang iginugol para sa gawaing paniktik at pagmamanman para madakip ang matanda. Mayroon umanong kaso si Calubid na robbery with double homicide, damage to property, at 15 bilang ng pagpatay.

“Si Calubid ay dinukot at winala ng mga ahente ng militar noong 2006. Kasama niyang dinukot ang kanyang asawa na si Celina Palma, sina Ariel Beloy, Antonio Lacno at ang kaniyang pamangkin na si Gloria Soco,” ayon kay Valbuena. Ang sasakyan ni Calubid at mga kasama ay hinarang sa isang di mataong bahagi ng haywey sa Sipocot, Camarines Sur habang bumibiyahe patimog. Nakita ng isang saksi kung paano sila pinosasan, piniringan, at pwersahang ipinasok sa iba’t ibang sasakyan.

Noong Hunyo 26, 2010, pinarangalan ng Partido si Calubid at kanyang mga kasamang dinukot ng mga pwersa ng estado. Inilarawan sa espesyal na isyu ng Ang Bayan ang pinagdaanan ng mga biktima sa kamay ng mga berdugo. “Sa loob ng dalawang araw, ang lahat ng mga dinukot ay dumanas ng matinding tortyur sa safehouse ng militar. Narinig nila ang pagtortyur sa isa’t isa. Pero sa halip na tumiklop, walang takot nilang nilabanan ang mga pagpapahirap sa kanila,” ayon dito.

Ang buong detalye ng karumal-dumal na krimen ng rehimeng Arroyo laban sa mga biktima ay naisalaysay ni Antonio Lacno (Ka Goyong), isa sa mga dinukot na nagawang makatakas sa kamay ng mga sundalo.

Ayon kay Valbuena, “ang pahayag ng PNP ay naglalayong hugasan ang kamay ng Armed Forces of the Philippines sa krimen ng pagdukot at pagwala kay Calubid at sa Sipocot 5.” Pagdidiin pa niya, malaki itong insulto at pagkutya sa halos dalawang dekada nang paghahanap ng hustisya ng mga pamilya at ang kanilang pakikibaka na hanapin ang kanilang nawawalang mga mahal sa buhay.

Dagdag pa ni Valbuena, bahagi rin ang palabas na pag-aresto ng koordinadong opensibang PR ng rehimeng Marcos upang desperadong lumikha ng larawan na sila ay ganap na nagtatagumpay sa paggupo sa armadong paglaban ng bayan. Kaugnay ito ng panibagong target ng rehimen na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan ngayong 2024.

AB: Matandang inaresto sa Olongapo City, maling pinalalabas ng rehimeng Marcos na dating kumander ng hukbong bayan—PKP