Balita

May 9| Nagliliyab ang mga protesta laban sa dagdag na buwis at kainutilan ng estado sa Colombia

Araw-araw na mga protesta ang inilulunsad ng mamamayan ng Colombia mula pa Abril 28 para ipahayag ang kanilang galit sa gubyerno at presidente nitong si Ivan Duque. Binalak ng gubyerno dito na magpataw ng value added tax o VAT sa maraming batayang produkto para makalikom diumano ng $6.7 bilyon na rebenyu para sa gubyerno sa susunod na siyam na taon. Ito ay para ibangon diumano ang ekonomya at magkaroon pondo para sa ipinamimigay na ayuda.

Pumutok ang mga protesta sa mga syudad ng Bogota at Cali matapos manawagan ang malalaking unyon laban sa panukalang hakbang. Agad ding iniatras ng estado ang panukala pero nagpatuloy ang protesta ng galit na galit na mamamayan laban sa anila’y palpak na tugon ng estado sa pandemya at kawalang-pakialam ng mga upisyal nito sa dinadanas nilang hirap at gutom.

Lalong ginatungan ang kanilang galit ng pambubuwag, pang-aaresto at pamamaslang ng mga pulis sa mga raliyista. Noong Mayo 7, 24 nang raliyista ang natalang pinatay ng mga pulis at 89 ang nawawala sa gitna ng mararahas na pagbuwag ng mga pulis sa mga protesta. Marami na ang kumundena sa labis-labis na paggamit ng dahas ng mga pulis, kabilang United Nations, mga grupong nagtatanggol ng karapatang-tao, mga gubyerno sa Europe at internasyunal na personalidad .

Lundo ang pinakahuling serye ng mga protesta sa halos dalawang taon nang mga pagkilos laban sa gutom at malawakang kahirapan sa bansa na lalong tumampok sa panahon ng pandemya. Lalong lumawak ang disgusto kay Duque dulot ng palpak na tugon ng kanyang gubyerno sa pandemya at sa laganap na korapsyon sa gubyerno. Para ilihis ang atensyon sa kainutilan nito, sinisisi ng gubyernong Duque ang natitirang elemento ng mga armadong grupong Revolutionary Armed Forces of Colombia at National Liberation Army bilang nasa likod ng “mararahas na protesta.” Si Duque at ang kanyang gubyerno ay dominado ng Centro Democrático, isang konserbatibong partido na suportado ng US.

AB: May 9| Nagliliyab ang mga protesta laban sa dagdag na buwis at kainutilan ng estado sa Colombia