Mga berdugong sangkot sa Tumandok massacre, inabswelto
Balita kahapon ang pagbabasura ng reklamo laban sa mga pulis na sangkot sa ekstra-hudisyal na pagpaslang sa siyam na Tumandok at magsasaka sa Tapaz, Capiz noong Disyembre 2020. Ang naturang reklamo ay isinampa sa Philippine National Police Regional Internal Affairs Service 6 (PNP RIAS 6).
Pilit binubura sa isinagawang “imbestigasyon” ng RIAS 6 ang duguang rekord ng sariling nitong elemento at pwersang pumaslang sa mga Tumandok. Iginigiit ng mga pulis na ginawa nito ang lahat para masusing imbestigahan ang kaso ngunit hindi “humarap” ang mga kaanak ng mga biktima. Sino nga ba naman ang dudulog sa institusyong pumaslang sa kanilang mga kaanak?
Matatandaang siyam na mga Tumandok ang pinaslang ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 6 sa ilalim ng kumand ni Lt. Col. Gervacio Balmaceda sa tabing ng paghahain ng mga warrant of arrest. Inaresto rin ng mga berdugo ang 17 iba pang Tumandok na nanatiling nakakulong hanggang sa kasalukuyan.
Kilalang mga lider ng organisasyong Tumanduk nga Mangunguma nga Nagapangapin sang Duta kag Kabuhi (Tumanduk) at mga upisyal sa barangay ang pinaslang ng mga pulis. Pinagpilitan at pinalabas ng PNP na mga kasapi sila ng Bagong Hukbong Bayan.
Pinaslang din ng mga ahente ng rehimen noong unang kwarto ng taon ang mga nagsalita laban sa madugong operasyon ng PNP. Tinangka ring patayin ang abugadong si Atty. AK Guillen na siyang tumatayong abugado ng mga kapamilya ng biktima sa Tumandok massacre.
Ang pagwawalang-sala sa mga berdugo ay dagdag sa mahabang listahan ng inhustisya sa minoryang Tumandok at kultura ng kawalang-pakundangan sa bansa.