Balita

Mga botante ng Makabayan, tinatarget ng PNP

,

Isinawalat noong Hunyo 20 ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party (GWP), ang kautusan ng Philippine National Police sa Navotas City na isailalim sa pag-uulat at imbestigasyon ang mga komunidad kung saan nakakuha ng mataas na bilang ng boto ng progresibong blokeng Makabayan.

Ang naturang kautusan ay nakapaloob sa isang sulat ng isang upisyal paniktik ng pulis ng Navotas. Ayon sa sulat na ito, may atas ang “nakatataas na hedkwarters” na ilista ang mga organisasyong sektoral sa mga komunidad, kasama ang mga lider at myembro nito. Partikular na tinukoy nito ang Kabataan Partylist, Anakpawis Partylist, Bayan Muna, ACT Teachers Party at GWP.

Ayon kay Rep. Brosas, desperadong tangka ang hakbang para ibayong supilin ang paglaban laluna sa harap ng nagtataasang presyo at napipintong krisis sa pagkain.

“Pag-aaksaya ng buwis ng taumbayan ang community profiling na ito, na tanging layunin ay maghasik ng takot at terorismo sa mga komunidad sa panahong matindi ang pagkalam ng sikmura ng mamamayan,” aniya.

Patuloy pa rin ang paglaganap ng mga poster at materyal na nagrered-tag sa nabanggit na mga partido, kahit tapos na ang eleksyon.

“Tiyak na may kinalaman ang NTF-Elcac sa mga ito, na walang tigil sa pang-aatake sa amin kahit naproklama na kami bilang panalong partido,” aniya. “Makikita rito na ipagpapatuloy ng rehimeng Marcos Jr ang mga pasistang hakbang na ginamit ni Duterte para maghasik ng teror sa mamamayan.”

AB: Mga botante ng Makabayan, tinatarget ng PNP