Balita

Mga EJK sa drug war ni Duterte, pinagtakpan ng mga medico-legal

Ipinrisinta kahapon ni Dr. Raquel Fortun ang resulta ng kanyang pag-awtopsiya sa mga biktima ng “gera sa droga” ng rehimeng Duterte. Isang mayor na kongklusyon na kanyang naabot ay ang pagduduktor sa mga death certificate ng mga biktima para palabasing namatay ang mga ito sa iba’t ibang kadahilanan.

Si Dr. Fortun ang isa sa nangungunahang forensic pathologist sa bansa o isang ekspertong may kaalamang medikal para pag-aralan ang mga ebidensya kaugnay ng mga kasong ligal. Kilala si Dr. Fortun sa maraming imbestigasyon sa mga pampulitikang pamamaslang.

Sinaklaw ng kanyang imbestigasyon ang 46 na bangkay ng mga biktimang pinatay mula Hunyo 15, 2016 hanggang Agosto 13, 2017. Muling hinukay ang mga bangkay mula Hulyo 8, 2021 hanggang Pebrero 28 ngayong taon. Isinagawa ang mga imbestigasyon sa tulong ng Project Arise ng simbahang Katoliko.

Sa kanyang ulat, isiniwalat ni Dr. Fortun na pito sa mga biktima ay pinalabas na namatay dulot ng “natural causes” tulad ng atake sa puso, pulmunya, pagkalason ng dugo (sepsis) at iba pa. Ito ay sa kabila nang may mga tama ng bala ang kanilang mga katawan. Isa sa mga biktima ay walang death certificate at isa pang di kumpleto ang datos.

“Yung isang namatay diumano sa atake sa puso ay may maraming tama ng bala sa katawan,” ayon sa duktora.

Malinaw sa mga ito ang pakikipagsabwatan ng mga duktor ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation na itago ang ekstrahudisyal na mga pamamaslang sa mga biktima.

“Isinusugal (ng mga duktor) ang kanilang mga reputasyon, pangalan, lisensya sa “pagduduktor” sa mga death certificate,” ayon kay Fortun. Idiinin niyang bawal ito sa batas.

Gayundin, 32 sa 46 ay may mga tama ng baril at 24 ay may tama sa ulo. Tatlo sa 24 ay may palatandaan na hinampas pa sa ulo. Malinaw, ayon kay Fortun, ang layuning patayin ang mga biktima.

Dagdag dito, isiniwalat ng duktor na 17 sa 46 ay walang trabaho, walo ang walang inilagay na trabaho at ang iba ay may trabahong manwal at di regular. Marami din sa mga ngipin ng mga biktima hindi maayos, na palatandaan na hindi nagpapadentista ang mga ito. Ibig sabihin, tinarget ng pamamaslang ang “pinakamahirap sa mahihirap,” ayon kay Fortun.

Mas malala, walang plano ang estado na imbestigahan ang mga pamamaslang na ito, aniya. Binweltahan ni Fortun ang “naratibo” kung saan pinalalabas ng mga pulis na namatay ang mga biktima sa mga “buy-bust operation” gayong malinaw na sinugod at pinatay ng mga ito ang mga biktima sa loob mismo ng kanilang mga tahanan.

“Nakakabaliw ang gayong mga pangyayari,” aniya. Kinutya niya ang pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na “paiimbestigahan” ang mga dinuktor na death certificate.

“Handa ba silang pa-imbestigahan ang mga punerarya at kanilang mga medico-legal?” tanong niya. Napababalitang ang ilan sa mga puneraryang ito ay pagmamay-ari rin ng mga pulis.

Ayon naman kay Fr. Flavie Villanueva ng Project Arise, kailangang patuloy na subaybayan ang gera kontra-droga kahit ngayong panahon ng eleksyon.

“Patuloy kaming maninindigan para sa hustisya, ang aming paglalakbay kasama ang mga nabalo, hanggang matamo nila ang hustisyang nararapat sa kanila,” ayon sa pari.

Nahaharap sa pormal na imbestigasyon ng International Criminal Court si Duterte at mga upisyal sa PNP sa kasong mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa gera kontra-droga.

AB: Mga EJK sa drug war ni Duterte, pinagtakpan ng mga medico-legal