Mga frequency ng ABS-CBN, ipinanggantimpala sa mga tagasuporta at kroni ni Duterte
Matapos pagkaitan ng prangkisa, tinanggal na rin ng rehimeng Duterte ang pagkakataong makabalik ang dambuhalang network na ABS-CBN sa dati nitong broadcast frequency o daluyan sa ere. Inianunsyo ng National Telecommunications Commission (NTC) noong Enero 25 at 26 ang magkakasunod na paggawad nito sa apat na frequency ng network sa mga kilalang kroni at tagasuporta ni Rodrigo Duterte.
Sa gayon, kahit mabigyan ng panibagong prangkisa ang network ng susunod na kongreso, hindi na magagamit ng ABS-CBN ang dati nitong frequency. Noong mayroon pa itong brodkas, ang ABS-CBN ang may pinakamalawak na naaabot na tagapanood sa telebisyon. Hawak noon ng ABS-CBN ang mga frequency na Channel 2, 23 at 43.
Noong Enero 25, kinumpirma ng NTC na ibinigay nito sa Advanced Media Broadcasting System Inc, isang kumpanya na pagmamay-ari ng pamilyang Villar, ang karapatang magbrodkas gamit ang Channel 2 at Channel 16 “simula Enero 6, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi” hanggang isara ang mga analog na brodkast sa 2023 (o kung kailan makukumpleto ang paglipat ng mga signal tungong digital). Sa mga frequency na ito dating dumadaloy ang libreng brodkas ng ABS-CBN.
Sa sumunod na araw, inianunsyo naman ng NTC ang paggagawad sa Channel 23 sa Aliw Broadcasting Corp na pagmamay-ari ng dating ambasador na si Antonio Cabangon Chua, at ang Channel 43 sa Swara Sug Media Corporation ni Pastor Apollo Quiboloy. Dating napapanood sa Channel 23 ang ABS-CBN Sports and Action, samantalang ang Channel 43 ay ginamit nito para sa mga channel na TV+.
Sina Villar, Chua at Quibiloy ay mga tapat na tagasuporta ni Duterte. Dating tinangka ni Villar na makakuha ng prangkisa para mag-opereyt ng network pero nakuha ang pangatlong prangkisa ng Dito Telecommunications, isang kumpanya ni Dennis Uy, isa pang kroni ni Duterte. Si Chua ang may-ari ng istasyon ng radyo na DwIZ at pahayagang Business Mirror. Si Quiboloy ay may sariling istasyon ang Sunshine Media Network Inc at nagpapatakbo rin sa istasyon ng telebisyon ng “simbahan” nitong Kingdom of Jesus Christ.
“Walang kahiya-hiya,” ang pagkundena ni Danilo Arao, propesor ng journalism sa University of the Philippines at kombinor ng grupong Kontra Daya sa pag-agaw ng mga Villar sa frequency ng ABS-CBN. “Gantimpala sa tagasuporta,” naman ang tawag dito ni Rep. Carlos Zarate ng Bayan Muna.
Kabilang sa mga kongresista na bumoto para ipagkait sa ABS-CBN ang prangkisa sa network noong 2020 ang kongresistang si Camille Villar. Kabilang din sa pamilyang Villar ang undersecretary sa Department of Justice — ang ahensyang “pumasada” sa desisyon ng NTC at nag-apruba nito. Liban sa dalawang Villar, nakaupo bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways si Mark Villar at kaalyado ni Duterte sa Senado si Cynthia Villar.
Pinahintulutan ng Kongreso at Senado, kung saan myembro ang dalawang Villar, na bilhin ng Planet Cable ang Advance Media noong Setyembre 2021. Ang Planet Cable ay pinatatakbo ni Paolo Villar, anak ni Cynthia Villar. Ang pinakapuno ng pamilya na si Manny Villar ay kilalang pinansyer ng mga kandidato ni Duterte at ni Duterte mismo.
Ang mga frequency sa ere ay itinuturing na pag-aari ng publiko, kung kaya’t kinakailangan ng pahintulot ng kongreso ang paggamit ng mga ito. Ang pinakahuling paggawad ng frequency ay noong 2018 sa Dito Telecommunity, ang kumpanyang itinayo ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy kasosyo ang China Telecom.