Mga grupong pangkalikasan sa Pilipinas, nakiisa sa Global Climate Strike
Pinamunuan ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP) ang lokal na protesta ng mga kabataan at mga grupong pangkalikasan kaugnay ng pandaigdigang koordinadong mga protestang Global Climate Strike noong Setyembre 24.
Inilunsad ang protesta sa harap ng Manila Bay kung saan matatagpuan ang na tinaguriang “dolomite beach” (bahagi ng baybayin na tinambakan ng giniling na dolomite para pagmukhaing white sand beach.) Bitbit ang panawagang #UprootTheSystem (o “bunutin ang ugat ng sistema”), iginiit nila sa gubyerno ng Pilipinas na tugunan ang krisis sa klima. Anila, dapat nang wakasan ang mga walang lamang pangako at magbigay ng makabuluhang aksyon para tugunan ang krisis.
Ang internasyunal na kampanyang climate strike ay pinamunuan ng Fridays For Future, isang samahan ng mga organisasyon para sa kagyat na pagtugon sa krisis sa klima. Pinasimulan ito ng kabataang si Greta Thunberg na kilala sa kanyang paglaban para sa kalikasan. Isinagawa ang mga protesta sa Brazil, Kenya, mga bansa sa Europe, Asia at iba pang mga bansa.
Sa Pilipinas, kinundena ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang rehimeng Duterte dahil sa patuloy na pagpaslang ng mga armadong galamay ng rehimen sa mga tagapagtanggol ng kalikasan. Sa nakaraang ulat ng Global Witness na inilabas noong Setyembre 13, naitala ang Pilipinas bilang ikatlong pinakadelikadong bansa para sa mga aktibistang pangkalikasan. Umaabot sa 29 ang mga aktibistang pangkalikasan ang pinaslang sa bansa. Mas mababa lang ito sa Colombia at Mexico na may naitalang 65 at 30 na pagpaslang.
Dumalo rin sa protesta sa Manila Bay ang mga mangingisda sa baybayin ng Manila Bay para tutulan ang nakakasamang reklamasyon sa baybayin at pagsagasa ng proyekto sa kanilang kabuhayan. Kaparehong mga protesta rin ang inilunsad sa ibang bahagi ng bansa tulad ng Davao, Leyte, Pampanga at mga prubinsya sa South Luzon.