Mga guro, handa na sabayang lumiban kapag di sila binayaran ng overtime pay
Kinalampag kahapon ng mga guro ang upisina ng Civil Service Commission (CSC) sa Quezon City para manawagan ng direkta at naangkop na hakbang para tiyakin na wastong mababayaran ang labis na 87 araw na pagtatrabaho nila noong nakaraang pasukan. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), iginugol ng mga guro ang labis na mga araw na ito sa pagtatrabaho mula Hunyo 1 hanggang Oktubre 2020 para sa paghahanda sa distance learning.
Binatikos nila ang Department of Education (DepEd) sa bigong pagtupad nito sa pangakong babayaran ang ₱23,605 na overtime pay ng mga guro at bigyan sila ng 87 araw ng vacation service credits (araw na maaaring lumiban). Ayon sa mga guro, handa silang sabay-sabay na lumiban ng isang araw sa trabaho bilang simbolo ng kanilang protesta para igiit sa DepEd na tuparin ang pangako nito.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng DepEd noong Huwebes sa isang dokumento na naglilinaw kaugnay sa pagbibigay ng mga service credit sa guro para sa sobrang araw sa pagtatrabaho na kanilang iginugol. Sa isang online press briefing kahapon, idinahilan ng DepEd na hindi maaaring makabenepisyo ang mga guro ng overtime pay labas pa sa 220 maksimum na araw ng akademikong taon alinsunod sa reaksyunaryong batas. Nilinaw sa naturang dokumento na katumbas ng isang araw na pagtatrabaho sa araw na walang pasok ang 1.5 oras ng service credit.
Ayon kay Raymond Basilio, tagapagsalita ng grupo, “walang dangal ang pagtalikod ng mga upisyal ng gubyerno sa kanilang mga salita at kanilang pagsasaisantabi sa kapakanan ng mga frontliner sa sektor ng edukasyon na gumampan ng trabahong lampas sa kanilang tungkulin upang tiyakin ang pagpapatuloy ng edukasyon sa kalagitnaan ng pandemya.”
Pinasinungalingan ng grupo ang binabanggit ng mga upisyal ng DepEd na bayad naman na ang labis na 87 na oras ng kanilang pagtatrabaho. Ani Basilio, “walang batayan at pawang kasinungalingan” ang naturang pahayag dahil mismong si Education Undersecretary Jesus Mateo ang nangakong “babayaran” ito ng ahensya matapos niyang aminin na sobra-sobra nga ang oras na iginugol ng mga guro noong nakaraang akademikong taon.
Ang pagtalikod ng DepEd sa pangako nito ay paglabag mismo sa Magna Carta for Public School Teachers, na nagsasaad na kailangang bayaran ang mga guro ng karagdagang kumpensasyon para sa mga paggampan ng mga aktibidad na co-curricula o labas sa eskwelahan na hindi saklaw ng kanilang karaniwang tungkulin bilang mga guro.