Mga guro, pinatatanggal ang modyul na tinatawag na "bagong lipunan" ang batas militar
Mariing iginiit ng mga guro sa Alliance of Concerned Teacher na iatras ng Department of Education ang isang modyul kung saan inilarawan ang batas militar bilang “yugto ng bagong lipunan.” Iniulat ng mga guro mula sa Quezon City at Iloilo ang gayong pinalalaganap na modyul.
Ayon sa grupo, dapat agad na bawiin at tanggalin ng ahensya ang modyul na ito sa mga online portal ng DepEd. Bahagi ang naturang modyul sa asignaturang “Geographic, Linguistic and Ethnic Dimensions of Philippine Literary History from Pre-Colonial to the Contemporary” na bahagi ng kurikulum sa Senior High School. Ayon sa grupo, “problemado” ang paglalatag ng mga “yugto sa kasaysayan” sa asignaturang ito. Tanong ng ACT kung talaga bang napasadahan ng ahensya ang modyul at bakit naparami nitong mga kamalian.
“Ang pananagutan dito ay nasa pamunuan ng DepEd na may responsibilidad sa pagtitiyak ng kalidad ng mga modyul. Sana ay hindi ang mga guro na nautusang sumulat ng modyul ang maipit dito dahil sa totoo lang, sumalo lamang sila sa kakulangan ng DepEd at ni walang bayad ang mga guro sa gawaing iyan,” ayon kay Rizza Bantillan, tagapagsalita ng grupo.
“(K)ailangang magbantay tayo sa mulat na pagbabaluktot sa katotohanan at kasaysayan, hindi lamang sa pagtuturo and sanggunian sa pagtuturo, kundi laluna sa ginagawang pagbabago sa kurikulum ngayon. Sumingaw na ang impormasyon hinggil sa gagawing pagpapapalit ng salitang ‘Batas Militar’ tungong ‘Bagong Lipunan,’ gayundin ang pagtatanggal ng mga asignaturang Mother Tongue, Musika at Sining sa Kinder hanggang Grade 3,” paliwanag ni Batillan.
“Ang nasa likod ba ng ganitong mga panukala ay ang layunin ba ng administrasyong Marcos na ipilit ang pagtuturo ng Ingles sa mga bata, at ang misyon niyang “linisin” ang pangalan ng kanyang pamilya?”
Paalala niya sa kapwa niya mga guro, kailangang ipaglaban ang pagtuturo ng kasaysayan na nakabatay sa katotohanan, pagkamakabayan at pagpapahalaga sa kultura.
“Hindi tayo papayag na hulmahin na lamang na parang mga robot na walang kaluluwa at kaaya-aya sa mga dayuhang negosyante ang ating mga kabataan,” aniya.