Balita

Mga guro, umalma sa pagtatalaga kay Sara Duterte bilang kalihim sa edukasyon

Umalma ang mga guro sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa pagtatalaga ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang katambal na si Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education. Anila, hindi matutugunan ng walang alam sa karanasan ng mga guro ang krisis na kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

“Ang kailangan namin ay isang pamunuang kikilala sa krisis sa kaalaman, ang lugmok na kalidad ng edukasyon, ang lubhang kulang sa sahod na kalagayan ng mga guro, at ang nalulusaw na pagtanaw ng bansa sa kasaysayan at pagkilala sa katotohanan,” ayon sa pahayag ni Raymond Basilio, pangkalahatang kalihim ng ACT.

Hinaing ng ACT, “si Sara Duterte ay walang kaalam-alam sa mga problemang ito, na sa ilalim ng paghahari ng kanyang ama ay lumala pa, at wala siyang ni isang karanasan sa pagtugon sa mga isyung ito. Paano niya susolusyonan ang mga krisis na ito?”

Nangangamba rin ang mga guro na sa naging kasaysayan ni Sara Duterte na mapanupil na pamumuno at pagpapakalat ng pekeng balita. Anang grupo, “pinatunayan na ni Sara Duterte na isa siyang pasistang pinuno, na walang pakialam sa edukasyon at mga prinsipyong itinataguyod nito, tulad ng kanyang ama.”

Binigyang-diin ng ACT na sa kanyang pamumuno sa Davao City, nired-tag ang mga unyonistang guro, sapilitang ipinasara ang mga paaralang Lumad at namayagpag ang pamamaslang sa ilalim ng pekeng gera konta droga.

Para naman sa grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma), layunin ng paghirang ni Marcos Jr kay Duterte bilang kalihim sa edukasyon ang sistematikong manipulahin ang pagtuturo ng kasaysayan sa mga paaralan.

“Binabalak ng mga Marcos na iinstitusyonalisa ang kanilang mga kasinungalinan,” saad ng grupo. Noong 2020, si Marcos Jr. mismo ay nanawagan na baguhin ang mga libro sa kasaysayan dahil umano sa pagtuturo ng “kasinungalingan sa mga kabataan.”

Maaari pa umano itong mangahulugan ng mismong pagbaligtad sa akademikong kalayaan, laluna ang kalayaan sa pagtuturo at pagtatalakay sa mahahalagang katotohanan ukol sa batas militar sa mga paaralan. “Dapat nating labanan ang mga bantang ito at manindigan para sa pagtatanggol sa akademikong kalayaan,” panagawan ng grupo.

“Bilang mga guro, gagawin namin ang aming mga trabaho…para ipagpatuloy ang laban para sa hustisyang panlupunan sa harap ng madilim na panahon. Hindi magagawang patayin ng kamay na bakal ang apoy ng sulo ng kaalaman…sa halip lalong itong pagliliyabin ng isang pasistang pamumuno,” pagtatapos ng ACT.

AB: Mga guro, umalma sa pagtatalaga kay Sara Duterte bilang kalihim sa edukasyon