Mga health worker sa Visayas at Mindanao, punong-puno na rin sa kapalpakan ni Duterte

Binabarat at pinababayaan ng rehimeng Duterte ang mga manggagawang pangkalusugan sa Visayas at Mindanao. Dumadaing ang mga duktor at nars dito sa sobra-sobrang trabaho sa panahon ng pagbwelo ng mga kaso ng impeksyon ng Covid-19 sa iba’t ibang sulok ng bansa. Halos wala pa rin silang natatanggap sa ipinangakong mga benepisyo. Dahil dito, marami sa kanila ang natulak nang mag-resayn o humanap ng ibang trabaho.

Sa Bacolod, hindi bababa sa 300 manggagawang pangkalusugan ang nag-resayn mula noong Marso 2020. Dahil dito, kulang na kulang na ang nag-aasikaso sa mga pasyente sa panahong tumataas ang bilang ng nahahawa sa Covid-19 sa syudad. Ayon sa meyor ng syudad, kulang na nga ang mga duktor at nars, mayroon pang nasa kwarantina habang ang iba ay nag-AWOL na o hindi na pumapasok.

Pahayag ni Noli Rosales, isa sa convenors ng Medical Front Liners Alliance of Negros (MFLAN), dadami pa ang maaaring magresayn sa susunod na mga araw bilang pagprotesta sa lubhang pagkaantala at hindi pantay na distribusyon ng kanilang special risk allowance (SRA). “Ang iba ay tumanggap lamang ng P227 habang may mga ulat na P10,000 ang tinanggap ng mga nasa upisina lamang,” ayon kay Rosales.

Marami sa mga manggagawang pangkalusugan ang napipilitang magtrabaho ng 8 hanggang 12 oras, at sa ilang pagkakataon, hanggang 16 oras.

Kinwestyon din ng mga manggagawang pangkalusugan ang kautusan ng Department of Health na tanging ang may direktang humarap sa pasyenteng may Covid-19 ang mabibigyan ng SRA. Anila, “lahat ng manggagawang pangkalusugan ay bulnerable na mahawa sa Covid-19.”

Noong Setyembre 21, nagrali ang MFLAN, kasama ang iba pang progresibong grupo sa harap ng Fountain of Justice, Bacolod City upang ipanawagan ang resignasyon ni Sec. Francisco Duque at ang pamamahagi ng kanilang benepisyo.

Sa General Santos nagreklamo rin ang mga manggagawang pangkalusugan dahil sa nauubos nang kagamitang medikal gaya ng oxygen, test kits, PPE at kakulangan ng istap habang dumarami ang bilang ng pasyenteng may Covid-19.

May mga nars rin sa isang ospital na nagreklamo na napipilitan silang gumamit ng dayaper upang bawasan ang nagagamit na PPE habang marami sa kanila ay umaabot na sa mahigit 12 oras ang duty sa Covid-19 ward nang walang pahinga. Marami sa kanila ang lumipat na lamang sa mga ospital sa kalapit na prubinsya o naghanap na lamang ng ibang trabaho.

AB: Mga health worker sa Visayas at Mindanao, punong-puno na rin sa kapalpakan ni Duterte