Mga hukom, kinundena ang redtagging sa kapwa husgado

Nanawagan ang HUKOM Inc, asosasyon ng mga husgado ng mga trial court, laban sa “normalisasyon” ng mga atake sa kanilang hanay matapos iredtag ng isang dating upisyal ng National Task Force (NTF)-Elcac si Judge Marlo Magdoza-Malagar.

Noong Setyembre 21, ibinasura ni Judge Malagar ang kasong terrorist proscription na isinampa ng Department of Justice laban sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Sa 135-pahinang desisyon, komprehensibong inilatag ni Malagar ang mga dahilan kung bakit hindi terorista ang dalawang grupo. Idinagdag niya sa kanyang desisyon ang pagbatikos sa mapaminsalang epekto ng redtagging, na aniya’y isa sa mga ibinunga ng naturang kaso.

Hindi nagtagal at nag-umpisa ang mga atakeng online laban kay Malagar. Lumaganap ang isang post sa Facebook ni Lorraine Badoy kaugnay sa desisyon ni Malagar laban sa kaso ng DoJ. Dito, bumubula ang bibig ni Badoy sa pagkundena sa husgado, na inakusahan niyang “kaibigan” at “tagapagtanggol ng CPP-NPA.”

Sa kanyang post, isinulat ni Badoy ang tanong na: “kung papatayin ko itong hukom na ito, at gagawin ko ayon sa paniniwala ko na lahat ng mga alyado ng CPP NPA NDF ay dapat patayin dahil sa isip ko, walang pagkakaiba ang myembro ng CPP NPA NDF at kanilang mga kaibigan, maaari bang maging mabait na kayo sa akin?” Itinuring ito ng mga husgado, at maraming abugado, bilang banta sa buhay ni Malagar.

Di nagtagal, niredtag at pinagbantaan na rin ni Badoy ang asawa ni Malagar, ang kasalukuyang chancellor ng University of the Philippines-Cebu. Si Malagar ang pangalawang husgado na lantarang niredtag ng mga upisyal ng estado. Nauna na rito ang pag-redtag ng NTF-ELCAC kay Judge Monique Quisumbing-Ignacio, ang husgadong unang nagpawalambisa sa search warrant ginamit laban sa dalawang aktibista at naghawan ng daan para sila ay makalaya.

Ayon sa pahayag na inilabas ng HUKOM noong Setyembre 24, madalas na nananahimik na lamang ang mga myembro ng hudikatura kapag inaatake ang kanilang mga myembro. Gayunpaman, hindi na nila kayang magtiis at hindi magsalita sa harap ng pinakahuling mga kaganapan.

Anila, pinatindi at pinalala ng social media ang mga kritisismo sa hudikatura na madalas walang solidong batayan. Mas malala, nakapost sa social media ang mga banta ng pisikal na pananakit nang walang kunsiderasyon sa batas at public order.

Itinuring ng mga husgado na atake sa batas at sa independensya ng hudikatura ang redtagging, online na paninira, at pagsisiwalat ng personal na mga impormasyon.

“Bilang mga myembro ng hudikatura, nananawagan kami sa aming mga kapwa husgado: wag tayong maging mga biktima. Wag nating hayaang maging normal ang paggamit ng dahas…sa pamamagitan ng pananahimik,” ayon sa pahayag ng grupo.

AB: Mga hukom, kinundena ang redtagging sa kapwa husgado