Mga kagawad ng midya, pinaratangang myembro ng BHB ng AFP at gobernador ng Masbate

Sinampahan ng gawa-gawang kaso na pagpatay at pinaratangan na myembro ng BHB ang mga kagawad ng midya na sina Jay Legazpi Alfaro, Benjamin Gigante at Ramesis Sison ng Masbate Quad Media Society (MQMS) at at mga upisyal sa impormasyon na sina Fel Monares mula sa lokal na gubyerno ng Cawayan at Peter Corpus mula sa gubyerno ng Pio V. Corpuz sa Masbate at myembro ng NU Media. Isinagawa ito matapos nilang magsampa ng 11 kaso ng pandarambong laban kay Gov. Antonio Kho ng Masbate at sa kanyang mga tauhan noong Marso 25 hinggil sa korapsyon sa mga lokal na proyekto sa probinsya.

Pinaratangan ang lima na pumatay diumano sa isang Virgil Arriesgado sa isang labanan sa pagitan ng BHB at pwersa ng reaksyonaryong gubyerno noong Agosto 12, 2022 sa Barangay Guindawahan, Pio V. Corpuz, Masbate. Walang naiulat na engkwentro sa panahon na iyon.

Naglabas ng mandamyento de aresto ang RTC 5th Judicial Region, Branch 49, Cataingan Masbate laban sa mga biktima noong Hulyo 12 kahit di dumaan sa paunang imbestigasyon ang kaso.

Pinasinungalingan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na mga kasapi ng BHB ang mga kinasuhan. Anito, malinaw na ang pagsasampa ng kaso ay para takutin ang mga kagawad ng midya sa prubinsya.

Si Sison ay dating Chairperson ng NUJP-Masbate noong 2011 hangang 2013. Si Corpus ay isang freelance reporter na nangangasiwa sa Chronicle News and Pubic Affairs sa Masbate City, habang si Monares ay station manager ng Radyo Kahamugaway DWNZ 106.5FM at Presidente ng NU Media. Si Alfaro ay kalihim ng MQMS at Dj at mamamahayag ng The Ranch 95.9FM at Wow Smile Radio 99.9 FM Sorsogon.

Sa huling balita, binawi ng korte ang mandamyento de aresto laban sa lima noong Hulyo 25 matapos alinsunod sa mosyon ng kanilang abugado.

AB: Mga kagawad ng midya, pinaratangang myembro ng BHB ng AFP at gobernador ng Masbate