Balita

Mga kundisyon para sa armadong rebolusyon, lalong nagiging paborable

Sa okasyon ng ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, nanawagan ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma nito na pag-ibayuhin ang determinasyon at itaas ang kakayahan at kamtin ang higit na malalaking tagumpay sa muling pagpapasigla at pagpapalawak ng baseng masa at ng pagsulong ng pakikidigmang gerilya laban sa pasistang rehimeng US-Marcos.

Ayon sa PKP, tumatalim na krisis sa ekonomya at pulitika na patuloy na nagpapalubha sa naghihingalong malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Pinalala nito ang pagdurusa ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, nadoble mula 3 milyon tungong 7.2 milyon ang dami ng pamilyang labis na naghihirap at nagugutom. Dahil sa kawalan ng hanapbuhay, mababang kita at kakulangan sa serbisyong panlipunan, tuluy-tuloy na nahihila ang kalidad ng buhay ng malaking mayorya ng sambayanang Pilipino.

Sa isang sarbey kamakailan, lumalabas na aabot sa 27.2% ng mga pamilyang Pilipino o 7.5 milyong pamilya ang dumanas ng gutom o “involuntary hunger” sa nakaraang tatlong buwan. Pinakamataas ito mula noong ipinag-utos ng gubyernong Duterte ang lockdown noong Setyembre 2020 bilang tugon sa pandemyang Covid-19. Mas mataas din ito kumpara sa abereyds noong 2024 na 20.2%. Isinagawa ang sarbey ng Social Weather Station.

“Ang lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko ay nagpapatalim ng panlipunang hindi pagkakapantay sa pagitan ng mga naghaharing oligarko at ng malawak na masa ng sambayanan,” ayon sa PKP. Habang nagdurusa ang malaking mayorya ng mga Pilipino, nagkakamal naman ng yaman ang pinakamalalaking burukrata at burgesya sa tulong ng rehimeng Marcos. Kabilang dito sina Enrique Razon, Manuel Villar at Ramon Ang, na lumaki ang pinagsamang kita nang 108%.

“Sila at ang mga kasosyo nilang dayuhang kapitalista ang pinakamalaking nakikinabang sa mga kontrata at pabor ng gubyerno,” ayon sa PKP. Sa gitna ng krisis na ito, lumalaganap ang pagkaligalig ng malawak na masa ng sambayanan at matatag na sumusulong ang kanilang organisadong paglaban, anito.

“Ang papalalim na krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema ay malinaw na naglalantad sa bangkaroteng malakolonyal at malapyudal na sistema, at ang sagad-sa-butong bulok na estadong neokolonyal,” ayon sa PKP. Nakikita nito na walang ibang alternatibo ang mamamayan kundi “ang isulong ang walang-humpay na rebolusyonaryong pakikibaka, para ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing mga uri, at itayo ang demokratikong kapangyarihang bayan.”

Sa gayon, “kagyat, makatwiran at kailangang-kailangan na palakasin at palawakin ang Bagong Hukbong Bayan at isulong ang digmang bayan,” anito.

AB: Mga kundisyon para sa armadong rebolusyon, lalong nagiging paborable