Balita

Mga mamamahayag, naalarma sa pagbisita ng PNP sa kanilang mga bahay

Hindi natuwa ang mga mamamahayag sa pagbisita ng mga myembro ng Philippine National Police sa bahay ng isang mamamahayag para alukin diumano ito ng “proteksyon.”

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, nababahala sila sa pagbisita ng mga pulis sa kanilang mga bahay nang walang paunang koordinasyon, kahit pa iyon ay sinabing pagsisikap ng PNP na abutin ang mga mamamahayag matapos ang pagpatay kay Percy Lapid. Anila, ang gayong pakikipag-ugnayan ay dapat gawin sa mga newsroom o sa pamamagitan ng mga press corp, press club at mga organisasyon ng mamamahayag.

“Labag ang mga ‘sopresang’ bisita na ito sa pribasiya,” ayon sa grupo. “Imbes na maramdaman naming ligtas kami, dumadagdag ang mga bisitang ito sa aming pagkabahala dahil hindi ito kinoordina sa aming mga newsroom.” Panawagan nila, idaan ang gustong mga dayalogo sa mga pormal na daluyan at imbes na mga “bisita,” seryosohin ang mga banta online natatanggap ng mga mamamahayag, kabilang ang redtagging.

Noong Oktubre 16, iniulat ni JP Soriano, isang mamamahayag ng GMA News, sa serye ng mga post sa Twitter ang kanyang pagkaalarma at takot nang bisitahin siya ng isang pulis sa kanyang buhay para “i-tsek” ang kanyang seguridad. Sinabi sa kanya na atas ng pamunuan ng PNP na bisitahin ang mga mamamahayag. Tumanggi siyang magpakuha ng piktyur at binatikos ang pagbisita bilang paglabag sa kanyang pribasiya.

“Bakit sa bahay ko? Paano nila nakuha ang aming home address? Bakit kailangan ng picture? Para saan ba ito?” tanong niya sa serye ng mga post.

May ilan pang ulat na natanggap ang NUJP ng katulad ng mga “pagbisita” ng PNP sa ibang mamamahayag.

Pinaiimbestigahan na sa Kongreso ang mga insidenteng ito. Ayon kay ACT Rep. France Castro, hindi dapat tingnan ang insidenteng ito bilang “isolated case” kundi sa mas masaklaw na perspektiba ng harasment, redtagging at ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga myembro ng midya.

AB: Mga mamamahayag, naalarma sa pagbisita ng PNP sa kanilang mga bahay