Mga pinaslang sa "gera kontra-droga," dumami pa sa ikawalang taon ni Marcos

Dumami ang drug-related na pamamaslang sa ikalawang taon sa poder ni Ferdinand Marcos Jr, kumpara sa kanyang unang taon. Iniulat ng dahas.ph, isang proyektong pinagagana ng Thirld World Studies Center ng UP-Diliman, na nakapagtala ito ng 357 kaso ng drug-killings mula Hulyo 1, 2023 hanggang Hunyo 30, 2024. Mas mataaas ito kumpara sa 342 pamamaslang na naitala sa unang taon ng rehimen. Umaming responsable ang mga pulis at iba pang ahente ng estado sa 34.3% ng mga pamamaslang na ito.

Ayon sa dahas.ph, karamihan sa mga pinaslang ay “small player” o mahihirap na indibidwal na sumurender na sa dating Oplan Tokhang o nakulong na sa mga kasong may kaugnayan sa droga. Maliit na bilang lamang (42 sa 359 pinaslang) ang itinuring ng pulis na “high-value individual” o mga bigatin sa kalakalan ng iligal na droga.

Taliwas ito sa pinalalabas ni Marcos at mga upisyal ng rehimen na “bloodless” o hindi na duguan ang “drug war” nito. Sa nakaraang mga buwan, kaliwa’t kanan ang pagbabalita ng mga pulis at ahente sa ahensyang kontra-droga ng mga operasyong “buy-bust” at iba pa na nakasabat sa daan-daang milyong halaga ng iligal na droga. Kabilang dito ang kontrobersyal na pagkasabat ng ₱9.36-bilyong halagang droga sa Alitagtag, Batangas.

Habang patuloy ang mga pamamaslang, patuloy rin ang pamamayani ng kultura ng kawalang pakundangan sa hanay ng mga pulis. Halimbawa nito ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga pulis kay Bryan Laresma sa Batangas noong Mayo 24.

Sa isang pagdinig sa Kongreso, napag-alaman na taliwas sa unang ulat ng mga pulis, walang operasyong buy-bust na naganap at hindi napatay si Laresma sa isang shoot-out. Walang baril si Laresma. Inamin mismo ng dalawang pulis na tinamnan nila ng ebidensya ang bangkay ni Laresma para palabasing may kaugnayan siya sa kalakalan ng iligal na droga. Sa salaysay ng kapatid ng biktima, napag-alamang naghihintay lamang si Laresma sa binii niyang rechargeable fan nang pinaputukan siya ng mga pulis.

AB: Mga pinaslang sa "gera kontra-droga," dumami pa sa ikawalang taon ni Marcos