Mga stranded na OFW, kailangan mabilis na maiuwi
Inianunsyo ng Department of Foreign Affairs noong Agosto 9 na hanggang 7,060 lamang sa na-stranded na mga migranteng Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kaya nitong iuwi sa susunod na mga araw. Dahilan ng ahensya, nahirapan itong pabilisin ang proseso dahil sa ipinataw ng IATF na daily flight cap na hanggang 2,000 lamang na pasahero ang pinapayagang lumipad kada araw. Dagdag dito ang kakulangan ng mga pasilidad pangkwarantina na sasalo sa kanila.
Ayon sa mga grupong migrante, puu-puong libo nang mga overseas Filipino workers (OFW) ang naghihintay ng mga byaheng pauwi mula nang muling maghigpit ang mga bansa dulot ng paglaganap ng Delta baryant. Partikular na ikinababahala ng mga grupong ito ang mga OFW a nasa Middle East na malapit nang matapos o natapos na ang mga kontrata, paso o mapapaso na ang mga visa at walang kakayahang buhayin ang sarili habang naghihintay ng byahe pauwi ng Pilipinas. Ang mga OFW na ito ay bulnerable sa pang-aabuso at human trafficking.
Ayon naman sa Migrante, dagdag na pahirap ang ipinataw ng IATF na travel ban sa mga OFW mula sa United Arab Emirates at Oman. (Pinasaklaw ang travel ban mula sa mga bansang ito mula Mayo 15 hanggang Agosto 15.) Kabilang sa mga nastranded ay mga buntis, mga pamilyang may kasamang maliliit na bata, pasyenteng kailangan ng kagyat na atensyong medikal at iba pang walang masusulingan sa bansa. Nahihirapan ding umuwi ang mga OFW mula sa Saudi Arabia, Qatar at iba pang bansa sa Middle East kahit walang travel ban ang IATF sa mga ito.