Nag-ooperasyong tropa ng 62nd IB, binulabog ng BHB

Binulabog ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang nag-ooperasyong tropa ng 62nd IB sa sityo Batang-batangan, Barangay Bucalan, Canlaon City, Negros Oriental noong Marso 6. Isa ang napatay at isa ang nasugatang sundalo sa operasyong harasment.

Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, nailunsad ang armadong aksyon laban sa pasistang tropa dahil sa suporta ng masa sa komunidad. “Tugon ito ng BHB sa matagal nang reklamo ng mga residente sa paglabag sa kanilang karapatang-tao ng tropa ng militar,” ayon pa sa kanya.

Simula pa Disyembre 2022 ay naghahari-harian ang mga sundalo sa ilang mga barangay ng Canlaon City at mga karatig nitong bayan. Naitala ang mga kaso ng sapilitang pagpasok sa mga bahay ng sibilyan, pagpapatawag sa mga kampo at interogasyon sa mga magsasaka at pamimilit na magsilbing giya sa mga operasyong militar ng 62nd IB laban sa BHB.

“Habang mayroong presenya ng militar sa kanilang komunidad, hindi ligtas ang buhay at kabuhayan ng mamamamyan,” saad ni Regalado. Paliwanag pa niya, nagdudulot lamang ito ng grabeng takot at perwisyo sa mga magsasaka.

AB: Nag-ooperasyong tropa ng 62nd IB, binulabog ng BHB