Balita

Kapalpakan ng mga heneral: Nangag-ekspayr na mga bakuna, nangabulok na ayudang pagkain

Magkasunod na nabunyag ang kapalpakan at kainutilan ng mga heneral na itinalaga ng nagdaang rehimeng Duterte sa matataas na pusisyon ng estado.

Sa isang pagdinig sa Senado kahapon, Agosto 15, nabunyag na nalustay ang ₱5.78 bilyon sa mga bakunang kontra-Covid 19 na nag-ekspayr at mag-eekspayr ngayong Agosto. Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, tumalon mula 4.7% tungong 8.42% ang tantos ng nasayang na mga bakuna sa Pilipinas mula Hunyo hanggang Agosto at maaaring tumaas pa ito sa susunod na mga buwan.

Iniimbestigahan ng Senado ang pagkapaso ng mga bakuna, kahit pa may komitment na ang World Health Organization (sa pamamagitan ng pasilidad nitong COVAX) na palitan ang mga ito.

“Inaksaya nito hindi lamang pera, pero pati oras at resources ng ating national vaccination program. Ang mga responsable sa pagwawaldas ay di lang dapat umasa sa COVAX na ayusin ang mga kapalpakan nila,” ayon sa senador. Nagkakahalaga ng ₱500 ang kada isang dosis ng bakuna.

Ang kapalpakang ito ay dulot ng mabagal at dis-organisadong kampanyang pagpapabakuna ng rehimeng Duterte mula pa noong nakaraang taon. Matatandaang itinalaga ni Duterte bilang “vaccine czar” ang retiradong heneral na si Carlito Galvez Jr noong Nobyembre 2020. Si Galvez rin ang chief implementor ng National Task Force Against Covid-19. Dati na siyang ipinatawag sa Senado dahil sa pagmamatigas niyang bumili ng mga bakunang gawang-China, kahit pa una nang naging available ang mga bakunang gawa sa ibang bansa. Tumanggi rin siyang isapubliko ang presyo ng bawat dosis (na napabalita noon na malayong mas mahal kumpara sa ibang bakuna.) Hanggang ngayon, walang maayos na pagtutuos sa bilyun-bilyong ginastos ng estado para bumili ng mga bakunang ito.

Samantala, nabalita din kahapon ang ulat ng Comission on Audit kaugnay sa kapalpakan ng Departmeng of Social Work and Development na pamamahagi ng pagkain at di-pagkaing ayuda sa mga biktima ng bagyong Ulysses na tumama sa Cagayan Valley noong 2020. Ibinalita ng COA na sa 126,172 donasyong materyal na natanggap ng upisina ng DSWD-Tuguegarao, ang 21,824 nito ay natagpuan ng mga awditor na “nabubulok at kinakain ng mga daga” sa mga bodega ng ahensya noong Disyembre 31, 2021.

Kabilang sa mga aytem na nasayang ay mga pakete ng gatas, gamot (nangag-ekspayr noong Abril 2022) at mga delatang nabubulok at sira na.

Wala ring maayos na paglilista kung saan napunta ang bulto ng mga ipinamahagi o kung naipamahagi ang mga ito sa target na mga benepisyaryo. May ilang donasyon ang ibinigay sa mga institusyon ng DSWD, at hindi sa mga biktima ng bagyo.

Ang DSWD sa panahong ito ay pinamunuan ng retiradong heneral na si Rolando Bautista, na ipinagmalaki noon ni Duterte na may kakayahan sa social work dahil sa karanasan niya ng pamamahagi ng ayuda sa panahon ng Marawi Siege.

AB: Nangag-ekspayr na mga bakuna, nangabulok na ayudang pagkain