Narito ang pinakahuling balita sa Agosto 21 isyu ng Ang Bayan:

1. 8 armadong aksyon sa 6 na prubinsya

Walong armadong aksyon ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros Oriental, Northern Samar, Oriental Mindoro, Surigao del Sur, Capiz at Agusan del Norte mula Hulyo 25 hanggang Agosto 14. Hindi bababa sa walong sundalo ang napatay sa mga ito.

2. Mga anomalya sa pondong pampandemya

Inulan ng batikos si Rodrigo Duterte matapos niyang batikusin at sindakin ang Commission on Audit noong Agosto 16 na itigil ang pagsasapubliko ng mga ulat kaugnay sa mga anomalya sa pondong pampandemya ng iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Daing naman ni DOH Sec. Francisco Duque III na “winarak” umano ng komisyon ang kagawaran matapos na malantad ang maanomalyang paggamit sa pondong pangkalusugan sa kritikal na panahon ng pandemyang Covid-19.

Sa partikular, kinwestyon ng COA ang mga anomalya sa paggamit at hindi pagmaksimisa sa aabot ₱67.32-bilyong pondong pampandemya ng DOH noong 2020.

Samantala, hindi naman nagamit ng DSWD ang ₱780.71-milyong badyet nito para sa Social Amelioration Program na napakinabangan sana ng 139,300 benepisyaryo.

Mayroon namang P1.57 bilyon na ipinamahagi nitong cash advance sa mga manggagawa ang Department of Labor and Employment nang walang maayos na dokumentasyon. Binunyag din ng COA na isang porsyento lamang ang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa Service Contracting Program nito.

Aabot sa P2.2 bilyong pondo naman ang hindi nagamit ng Department of Agriculture para ayudahan ang mga magsasakang apektado ng pandemya. Mayroon ding P1.39 bilyon na naantalang pondo sa Department of Education na magagamit sana sa pagpapatupad ng distance learning.

3. Gutom at hirap sa ilalim ng ECQ

Npagdesisyunan ng mga miyembro ng IATF na ibaba na sa MECQ ang antas ng lockdown sa NCR, Bataan at Laguna mula Agosto 21 hanggang 31 sa pamamagitan ng isang “sikretong boto”. Kasabay ang anunsyo sa ulat na mayroong 14,000 bagong kaso ng nahawa ng bayrus noong Agosto 19a at 17,321 naman sa sumunod na araw.

Bunga ng serye ng mga lockdown mula 2020, umaabot na sa 9.2 milyon hanggang 13.5 milyong Pilipino ang nawalan o kulang ng trabaho dahil sa pandemya. Napakaliit naman ang alokasyong P1,000 ayudang pinansyal kada indibidwal at hindi man lamang tutumbas sa dalawang araw na minimum na sahod sa NCR.

Sa gitna nito, pinaarangkada ng rehimen ang paghihigpit sa kilos at panggigipit sa ngalan ng pandemya.

4. Bulok na paninira ng AFP sa BHB sa usaping kababaihan

Malaon nang ginagamit ng AFP bilang umano’y “ebidensya” ang nakukumpiskang mga birth control pill, condom at pregnancy test mula sa mga kampo ng BHB bilang patunay ng “pang-aalipin at pang-aabusong sekswal” ng kalalakihang kasapi ng hukbo sa kababaihan.

Hindi lamang malisyoso ang pambabaluktot ng AFP sa tunay na gamit ng mga ito, pinatutunayan din nito ang pagkamuhi at mababang pagtingin ng reaksyunaryong hukbo sa kababaihan.

Direktang magkasalungat ang patakaran ng AFP at BHB. Mahigpit na tumatalima ang mga kasapi ng BHB sa pagtataguyod ng mga karapatan at kagalingan ng kababaihan, laluna ng mga babaeng mandirigma.

5. Ka Parts Bagani, Pulang mandirigma at artista ng bayan

Walang kalaban-labang pinatay ng pinagsanib na pwersa ng 5th Special Forces Battalion at lokal na pulis si Ka Parts Bagani, upisyal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Mindanao Region, at bantog na rebolusyonaryong artista, sa Barangay Cannery Site, Polomolok, South Cotabato noong Agosto 16. Hindi armado at wala siya sa katayuang lumaban.

Habang tangan ang armalayt, sa gawaing militar at gawaing masa, lumilikha siya ng mga obra na sumasalamin sa paghahangad ng sambayanan na lumaya mula sa pang-aapi, pagsasamantala, gutom at kahirapan at para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Hindi matatawaran ang kanyang mga ambag sa pagsusulong ng armadong rebolusyon sa rehiyon ng Southern Mindanao at sa ibang bahagi ng Mindanao.

6. Lupang sakahan sa Masbate, inagaw sa ngalan ng ekoturismo

Mahigit 21,000 residente ang mapalalayas sa kanilang mga sakahan at pangisdaan dulot ng proyektong Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone ng Empark Land Development Inc. Saklaw ng proyekto ang mahigit 1,854 ektaryang lupaing agrikultural sa pitong barangay sa tabing-dagat ng bayan ng Dimasalang at apat sa katabing Palanas.

7. US, pinalayas sa Afghanistan; Taliban, nabawi ang poder

Ibinwelo ng Taliban ang opensiba para bawiin ang estado poder noong Mayo 4, matapos ianunsyo ng US ang pagsisimula ng pag-atras ng mga pwersang pangkombat sa bansa. Sa loob lamang ng dalawang buwan, nakontrol ng Taliban ang kalahati ng mga distrito, kabilang ang mga teritoryong okupado ng mga karibal nitong warlord. Noong Agosto 6, naagaw ng Taliban ang una nitong syudad na Zaranj. Sa panahong ito, tinaya ng US na maaaring bumagsak ang kabisera sa loob ng 90 araw. Sa aktwal, ang halos walang sagkang pagkubkob sa Kabul at 20 pang sentrong lunsod ay naganap sa loob lamang ng sampung araw.

SA IBA PANG BALITA:

— Tangkang pagtatayo ng kampo sa Quezon, muling binigo ng mamamayan

— Taas-presyo ng abono, dagdag pahirap sa magsasaka

— Gawa-gawang mga kaso laban sa 9 na aktibista, ibinasura

— Lider-Mangyan, pinaslang ng militar

— Ilusyon ang 11.8% paglago ng GDP

— Mga protesta

#AngBayan

#DuterteWakasanNa

#Aklas

AB: Narito ang pinakahuling balita sa Agosto 21 isyu ng Ang Bayan: