Balita

Nelia Sancho: Kagandahang may puso

,

Pinarangalan ng Gabriela at Bayan, gayundin ng lumalabang mamamayan, si Nelia Sancho-Liao, beauty queen na naging simbolo at haligi ng mapagpalayang kilusan ng kababaihan at matatag na tagapagtaguyod ng pambansang demokrasya.

Isa sa mga tagapagtatag ng Gabriela si Ka Nelia, kasama ang kapwa beauty queen na si Maita Gomez. Nagsilbi siyang pangkalahatang kalihim nito bago siya naging tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan.

Namatay si Sancho noong Setyembre 2 sa edad na 71.

Aktibista si Ka Nelia mula pa maagang bahagi ng dekada 1970. Naging aktibo siya sa mga pagkilos laban sa diktadura. Kasama siya sa puu-puong ikinulong ng diktador. Sa kulungan, nagsagawa siya ng hunger strike para sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Noong 1987, matapos mapabagsak si Marcos Sr, tumakbo siya bilang senador sa ilalim ng Partido ng Bayan.

Ayon sa Gabriela, bilang pangkalahatang kalihim, pinangunahan ni Ka Nelia ang pagpapaunlad ng mga gawain ng Gabriela na sa kalauna’y sumaklaw sa mga karapatang-tao, kalusugan at reproductive rights ng kababaihan, karahasan laban sa kababaihan at bata, at iba pang programang sosyo-ekonomiko. Tuluy-tuloy na lumawak ang Gabriela sa mga syudad at sa kanayunan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Kasama si Ka Nelia sa nagtatag ng Parents’ Alternativce Incorporated na nagtayo ng daycare para sa mga anak ng bilanggong pulitikal at aktibista. Naging aktibo rin siya sa pakikibaka sa pagkakamit ng hustisya para sa mga comfort women, o mga babaeng ginahasa at ginawang aliping sekswal ng mga sundalong Hapon sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Naging tagapangulo ng Bayan si Ka Nelia mula 1990 hanggang 1994—mga taong sinubok ang mahigpit na pagkakaisa at komitment ng alyansa sa prinsipyo at pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Sa mga panahong ito, ipinamalas ni Ka Nelia ang pagiging “maprinsipyo, matalas, matatag at mapagkasama para tunggaliin at biguin ang mga tangkang paninira at panghahati sa BAYAN, sampu ng mga alyadong organisasyong sektoral nito.” Sa parangal ng alyansa sa kanyang burol noong Setyembre 5, tinawag nitong “pangunahing ilaw at haligi” si Ka Nelia para makapamayani ang mas mahigpit na pagkakaisa at pagututulungan ng Bayan sa mga taong ito.

“Mananatiling buhay ang alaala, mga aral at halimbawa ni Ka Nelia sa aming lahat na nagpapatuloy ng pakikibaka para sa paglaya ng mga uring inaapi at pinagsasamantalahan at para sa makatarungan, masagana at mapayapang lipunan,” pahayag ng Bayan sa parangal nito sa yumaong aktibista noong Setyembre 5.

“Habampanahon siyang mananatiling reyna sa aming mga puso,” ayon naman sa Gabriela.

AB: Nelia Sancho: Kagandahang may puso