NTF-ELCAC, may dagdag pa palang ₱4 bilyon
Nabunyag sa pagdinig sa Senado noong Oktubre 7 na bilyun-bilyong pisong dagdag na pondo pa ang matatanggap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) liban sa badyet nito sa panukalang badyet sa 2022. Ito ay dahil inoobliga ng NTF-ELCAC ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno na maglaan ng pondo ng “suportang pantustos” para sa gamit ng mga tauhan nito.
Sa naturang pagdinig, pinansin ni Sen. Nancy Binay na ang mga gastusing “administratibo” para sa pagpapatupad ng mga programa ng NTF-ELCAC ay ipinakakarga nito sa iba’t ibang ahensya. Partikular na tinukoy ng senador ang Department of National Defense (DND) at Department of Education (DepEd) na humihingi ng badyet para sa 2022 upang ipantustos sa mga pondong “administratibo” at “suporta” para sa NTF-ELCAC.
Nasa ₱120 milyon ang panukalang ilaan ng DND para sa naturang ahensya. Maging sa hinihining MOOE ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay may nakalaan ring ₱36.8 milyon para rito. Sa tantya ni Senador Binay, sa kabuuan ay tatabo ang NTF-ELCAC ng karagdagang ₱4 bilyon mula sa iba’t ibang ahensya. Ito ay bukod pa sa hinihingi nitong ₱29.2 bilyon para sa susunod na taon.
Bago nito ay iniulat ng Ang Bayan na humingi rin ang Department of the Interior and Local Government ng ₱1.08 bilyon para ipampuno sa badyet ng NTF-ELCAC.
Ang NTF-ELCAC ay matagal nang pinupuna ng Partido na isang “civil-military junta” na binubuo ni Duterte at kanyang pinakamalapit na upisyal militar. Ipinailalim sa NTF-ELCAC ang lahat ng ahensya ng estado, pati na ang mga lokal na gubyerno, ay inoobliga na gumampan ng papel sa kontra-insurhensya. Marami ang nagrereklamong ahensya at lokal na upisyal na inaapakan sila ng NTF-ELCAC, binabago ang kanilang prayoridad at dinadamay sa mga mapanupil na programa tulad ng “pagpapasurender” sa mga tao bilang mga myembro ng BHB.
Malaking bahagi ng pondo ng NTF-ELCAC ay nakalaan sa Barangay Development Program (BDP) nito. Sa ilalim ng BDP, tutustusan umano ng ahensya ang pagpapatayo ng eskwelahan sa 280 barangay na “nalinis” na sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan. Ngunit sa rekord ng DepEd, lumalabas na 247 sa mga barangay na ito ay mayroon nang nakatayong mga paaralan. May mga proyektong konstruksyon ng daan din na doble o triple ang alokasyon dahil nasa badyet din ang mga ito ng Deparment of Public Works and Highways.
Ayon sa PKP, ang pondong ito ng NTF-ELCAC ay “pork barrel” ng mga heneral. ang Batid kahit ng ilang senador na ang pondong matatanggap ng NTF-ELCAC ay gagamitin para sa eleksyong 2022.