Olalia-Alay-ay Murder Case: Utak ng krimen ang dapat parusahan—PKP
Binati ng Partido Komunista ng Pilipinas ang naging hatol ng korte noong Lunes laban sa tatlong sundalong imbwelto sa kasong Olalia-Alay-ay noong 1986, subalit sinabing labis itong naantala at bigong idiin ang tunay na mga utak sa krimen.
Hinatulan ng Antipolo Regional Trial Court Branch 97 nitong Oktubre 12 ang tatlong kasapi ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) sa brutal na pagpatay kina lider-manggagawang si Rolando “Ka Lando” Olalia at drayber niyang unyonista na si Leonor Alay-ay. Ito ay pagkaraan ng 35 taong paghahanap ng hustisya ng mga pamilya ng mga biktima at ng sambayanan.
Ginawaran ng hukuman ng 40 taong pagkabilanggo o reclusion perpetua ang mga sundalong sina Fernando Casanova, Dennis Jabatan, at Desiderio Perez. Inatasan din ang bawat isa ng hukuman na bayaran ang mga pamilya ng mga biktima ng kabuuang halaga ng ₱2.1 milyon bilang bayad-pinsala. Gayunman, nakalaya pa rin ang siyam na iba pang akusadong kasapi ng RAM na sina Col. Oscar Legaspi, Cirilo Almario, Jose Bacera, Ricardo Dicon, Gilbert Galicia, Felomino Maligaya, Gene Paris, Freddie Sumagaysay at Edgar Sumido.
Si Ka Lando ay tagapangulo noon Kilusang Mayo Uno (KMU) at tagapangulo ng Partido ng Bayan (PnB). Dinukot siya, kasama ang kanyang drayber na si Alay-ay, sa Julia Vargas St., Pasig City noong Nobyembre 12, 1986. Kinabukasan, natagpuan silang patay sa Antipolo, Rizal. Halos hindi na makilala ang kanilang mga bangkay dahil sa maraming bakas ng pagpapahirap bago sila sinaksak at binaril sa ulo.
“Patunay ng bulok na reaksyunaryong sistema ng hustisya na sa nakaraang 35 taon ay ipinagkait sa mga biktima ang katarungan,” ayon kay Ka Marco Valbuena, chief information officer ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Malala pa, pawang mga utusan ang hinatulan ng korte. Sa halip na papanagutin at parusahan, ang mga pasistang utak o mastermind ay malaya at nagpapakasasa sa kapangyarihan at karangyaan.”
Dismayado naman si Teddy Casiño, tagapagsalita ng Bayan Muna, sa “sobrang tagal” na panahon bago natamasa ang hustisya para sa pamilya nina Olalia at Alay-ay, at sa sambayanang Pilipino. Ayon nga kay Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), dapat pangalanan at parusahan ang mga tunay na maysala.
Pinaniniwalaang sina Juan Ponce-Enrile, na nagsilbing Defense Minister ni Corazon Aquino, at ang noo’y mga tauhan niyang sina Col. Gregorio “Gringo” Honasan at Col. Red Kapunan ang tunay na utak sa likod ng krimen. Pawang nakalusot sila sa kaso batay sa mga teknikalidad. (Sa kabuuan, ang orihinal na 13 sinampahan ng kasong “double-murder” ay may mataas na katungkulan sa RAM.) Si Kapunan ay inabswelto ng korte noong 2016.
Sina Enrile, Honasan at Kapunan ay nagpakana ng bigong kudeta na “Oplan God Save the Queen” upang “linisin” umano ang gubyernong Aquino ng mga “komunista.” Idinawit nila sa kanilang imbing pakana ang lider manggagawang si Olalia.
Ang mga lider ng RAM ay binigyan ng amnestiya ng rehimeng Ramos at inabswelto sila sa kasong pagpatay kina Olalia at Alay-ay. Sina Enrile at Honasan ay naging mga senador (si Honasan ay naging kasapi ng gabinete ng kasalukuyang rehimen at tatakbo muli sa pagka-senador sa halalang 2022). Si Kapunan naman ay hinirang ni Duterte na embahador ng Pilipinas sa Myanmar at Germany.
Umusad lamang ang kasong pagpatay kina Olalia pagkatapos ng 21 taon nang inatasan ng Korte Suprema ang mga mababang hukuman na pwede nang lumarga ang kaso. Tila takot ang mga hurado na hawakan ang kaso, sabi pa ni Atty. Rico Rolando Olalia, anak ni Ka Lando na naging abugado para sa mga biktima.
#