Organisador at aktibista sa Bohol, isang buwang dinesaparesido bago pinatay ng 47th IB
Isang buwan sa kamay ng berdugong 47th IB ang aktibista at organisador ng magsasaka na si Arthur Lucenario bago pinalabas na napatay sa isang “engkwentro” sa pagitan ng yunit nito at ng Bagong Hukbogn Bayan (BHB) noong Mayo 12 sa Barangay Tabuan, Antequera, Bohol. Ang sibilyang si Lucenario ay dinukot ng militar noon pang Abril 14 sa bayan ng San Miguel at simula noon ay ipinailalim na sa hindi makatarungang detensyon at pagtortyur.
Sa ulat ng National Democratic Front (NDF)-Bohol, dinampot ng mga sundalo si Lucenario bandang alas-3 ng madaling araw ng Abril 14 habang bumbyahe gamit ang kanyang motor. “Sa loob ng isang buwan, sa kamay ng mga pasista, dumanas siya ng iba’t ibang porma ng tortyur na bakas sa kanyang bangkay,” ayon sa NDF-Bohol.
Pinasinungalingan din nito ang sinasabing “engkwentro” sa bayan ng Antequera noong Mayo 12. Anito, “walang katotohanan ang sinasabing ‘engkwentro’…walang sagupaan sa pagitan ng AFP at BHB noong araw na iyon.” Dagdag pa ng NDF-Bohol, isa na itong luma, gasgas at paulit-ulit na modus ng mga sundalo para pagtakpan ang karumal-dumal na krimen ng pagdukot, pagtortyur at pagpatay sa mga aktibista at sibilyan.
Pinalalabas ng 47th IB na may nakumpiskang kalibre .45 pistol kay Lucenario, na sa katotohanan ay itinanim lamang nila matapos pagbabarilin ang biktima. “Si Lucenario ay isang sibilyan, kabataan at organisador ng magsasaka, hindi mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan,” giit ng NDF-Bohol.
Dagdag dito, labis na troma rin ang inidulot ng pamamaril at pagpapaulan ng bala ng 47th IB para lamang pagmukhain na mayroong engkwentro sa naturang lugar.
Ang pagpaslang kay Lucenario ay malalang anyo ng paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.”