Balita

Pag-hijack ng Belarus sa eroplanong sinasakyan ng kritiko ng rehimen

Umani ng internasyunal na pagbatikos ang pag-hijack ng bansang Belarus noong Mayo 23 sa isang pampasaherong eroplano na sinasakyan ni Roman Protasevich, 22, mamamahayag at kilalang kritiko ng presidente ng bansa na si Alexander Lukashenko. Papunta ang eroplano sa bansang Lithuania mula Greece nang makatanggap ng mensahe mula sa Belarus na nag-obliga rito na lumapag sa bansa.

Ginamit ng Belarus ang gawa-gawang dahilan na mayroon umano itong pasahero na “nagdadala ng bomba” para pwersahin ang piloto na palapagin ang eroplano sa bansa. Nagdeploy ang Belarus ng isang figher jet para tiyakin ang paglapag nito sa teritoryo ng bansa.

Paglapag nito, agad na inaresto at isinama ng mga ahente ng Belarus si Protasevich habang idinetine naman ang kanyang karelasyon na si Sofia Sapega. Pinangangambahan ngayon ang posibleng pagpataw sa kanya ng parusang kamatayan.

Si Protasevich ay kinikilala bilang isang political refugee sa European Union na kinanlong ng bansang Lithuania matapos na ilista ang kanyang pangalan sa “terrorism watchlist” ng Belarus noong nakaraang taon at sampahan ng mga kasong kriminal dahil sa paggampan niya ng susing papel sa pag-oorganisa ng mga protesta para labanan ang tiranikong paghahari ni Lukashenko. Pumutok ang malalaking protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Agosto 2020 bilang tugon sa lantarang pandaraya ni Lukashenko sa eleksyon at kanyang palpak na tugon sa pandemya.

Tinawag ng European Union ang kasong ito na isang akto ng “air piracy” at “state-sponsored hijacking” at pinatawan ang bansa ng mga ekonomikong sangksyon at pagbabawal sa mga airline nito na bumyahe saanman sa Europe.

Kinabukasan, ipinalaganap ng Belarus ang isang bidyo kung saan “inaamin” ni Protasevich ang “krimen” ng pag-organisa ng mga kilos protesta noong 2020. Tantya ng kanyang ama, matapos mapanood ang bidyo, na pinilit siyang gawin ito.

AB: Pag-hijack ng Belarus sa eroplanong sinasakyan ng kritiko ng rehimen