Pagbabawal sa 'protest outfit' sa loob ng plenaryo sa SONA, kinwestyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpahayag ng pagkabahala si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa pahayag kamakailan ni House of Representatives Secretary General Reginald Velasco na ipagbabawal at aarestuhin ang mga magsusuot ng “protest outfit” o mga damit na mayroong nakapinta o nakasulat na mga protesta sa plenaryo ng kongreso sa darating na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr.

“Banta ba ito? Ibig sabihin, pwede ba akong arestuhin sa loob ng Kongreso sa araw ng SONA kung may protest art ang suot ko?” tanong ni Rep Manuel. Karaniwang ginagamit ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc ang “protest outfit” para ipahayag sa loob ng plenaryo ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino kada SONA.

Ayon sa partido ng kabataan, naninindigan sila sa pagtatanggol sa karapatang magpahayag ng pagtutol [gamit ang protest outfit]. “Nanginginig ba sa takot si Marcos Jr. kapag nakakakita ng protest art?” ayon kay Rep. Manuel.

Idiniin ni Rep. Manuel na ang SONA ay hindi isang plataporma para purihin ang nasa kapangyarihan at sa halip ay dapat para sa pagsasaad ng mamamayan sa kanilang mga hinaing at pagpapanagot sa gubyerno.

Ayon pa sa kanila, napakahalagang protektahan at itaguyod ang karapatan sa malayang pagpapahayag laluna sa panahong nanganganib ang demokrasya at lumilitaw ang tendensya ng awtoritaryanismo sa lipunang Pilipino. “Dapat labanan ng kabataang Pilipino at lahat ng tagapagtaguyod ng demokrasya ang kahit anong tangkang labagin ang pundamental na karapatang ito,” anang partido.

Sa nagdaang mga SONA, dumanas ng katulad na panggigipit at aktwal na pagkumiska ng mga sash, pamaymay at iba pang kasuotang may mga panawagan ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc. Karaniwan din silang binabatikos ng mga kaalyado at kapartido ng administrasyon.

AB: Pagbabawal sa 'protest outfit' sa loob ng plenaryo sa SONA, kinwestyon