Pagbasura ng kaso laban sa 2 patay nang aktibista, patunay ng kahungkagan ng kaso laban sa CERNET

Ibinasura ng Regional Trial Court-Branch 74 sa Cebu City noong Hunyo 24 ang kasong “terrorism financing” na isinampa ng Department of Justice (DoJ) at Armed Forces of the Philippines kina Geraldine Labradores at Msgr. Merlin Logronio. Sina Labradores at Logronio ay kasama sa listahan ng mga bago at dating myembro ng Community Empowerment and Resource Network (CERNET) na inaakusahang nagbigay ng pondo sa Bagong Hukbong Bayan. Parehong patay na ang dalawa nang isinampa ang kaso.

“Ikinagagalak namin ang utos ng korte dahil nadidiin nito ang kawalan ng imbestigasyon ng DoJ nang makipagkoro ito sa AFP sa panggigipit sa CERNET gamit ang gawa-gawa at malisyosong mga kwento…,” pahayag ng Karapatan-Central Visayas. Dulot ng pagbabasura ng kaso laban sa dalawa, lalong humina ang gawa-gawang kasong “terrorism financing” laban sa CERNET.

“Kumpyansa kami na ang matatapon sa basurahan ng kasaysayan ang minanupakturang kaso ng DoJ at AFP laban sa mga manggagawang pangkaunlaran,” ayon sa grupo. Iginiit din nito na bigyang-kumpensasyon ang mga biktima ng Red-tagging at panggigipit, tulad ng CERNET.

AB: Pagbasura ng kaso laban sa 2 patay nang aktibista, patunay ng kahungkagan ng kaso laban sa CERNET