Pagdami ng aplikasyon para sa amnestiya, kalokohan–NDF-Negros

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isang malaking kalohokohan ang pagdami ng natatanggap na aplikasyon ngayon ng rehimeng Marcos para sa “amnestiya” ng kasalukuyan at dating mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), Partido Komunista ng Pilipinas, at iba pang mga armadong grupo sa bansa, ayon sa National Democratic Front (NDF)-Negros Island. Sa ulat ng National Amnesty Commission (NAC), pinakamalaki ang nakalap na “aplikasyon” nito mula sa isla ng Negros.

Sa huling datos ng NAC noong Hulyo 12, umabot na sa 578 ang natanggap nitong aplikasyon para sa amnestiya. Ayon kay Gen. Carlito Galvez Jr, tapagayo ni Marcos sa usaping pangkapayapaan, halos 300 dito ay mula sa isla ng Negros.

Tinawag ni Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros, na isang panlilinlang ang aplikasyon para sa amenstiya. “Nais palabasin [ng rehimeng US-Marcos] na gusto nito ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng amnestiya,” dagdag pa ni Ka Bayani.

Tulad sa nagdaang mga rehimen, gagamitin lamang umano ng rehimen na palabigasan ang programang amnestiya. Pagdidiin pa niya, desperadong hakbang ito ni Marcos para palabasin na natutupad nito ang target na dedlayn na tuluyang wakasan ang Partido at ang hukbong bayan.

Ayon sa NAC, 497 sa mga nagsumite ng aplikasyon ay mga kasapi o may kaugnayan sa PKP, BHB at NDFP, habang 33 mula sa Moro Islamic Liberation Front, 46 sa Moro National Liberation Front at dalawa mula sa “Rebolusyonaryong Partidong Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade”.

“Kasinungalingan at kalokohan ang pagsama sa RPA-ABB, MILF at MNLF [sa mga makakakuha ng amnestiya] dahil matagal na silang nahigop ng reaksyunaryong gubyerno at nabigyan at nagastusan na ng malaking pondo sa kani-kanilang mga kasunduan sa reaskyunaryong gubyerno,” ayon kay Ka Bayani.

Itinakda ng rehimen na hanggang Marso 4, 2026 ang aplikasyon para sa amnestiya. Nagkabisa ang programa matapos ilabas ni Marcos Jr ang Proclamation No. 403, 404, 405 at 406 noong Nobyrembre 2023.

Sa harap nito, nanawagan si Ka Bayani sa masang Negrosanon at lahat ng demokratikong pwersa sa bansa na hubaran at ilantad ang mapanlinlang na programang amnestiya ng rehimeng Marcos. “Hindi dapat magpalinlang at magpaakit sa pera at walang laman na mga pangako ng AFP at National Task Force-Elcac,” ayon pa sa tagapagsalita.

Aniya, hangga’t umiiral ang isang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa, magpapatuloy ang pagsusulong ng armadong pakikibaka para sa palaya ng buong bayan.

AB: Pagdami ng aplikasyon para sa amnestiya, kalokohan–NDF-Negros