Pagdawit sa mga madre sa “terorismo,” binatikos

Kabi-kabilang batikos ang sumalubong sa pagsasakdal sa 16 na indibidwal, kabilang ang apat na madre ng Rural Missionaries of the Philippines, sa kasong “pagpopondo sa terorismo.” Isinapubliko kahapon ng Department of Justice ang kaso kasabay ng pagsasampa nito sa Iligan City Regional Trial Court.

Inaakusahan ang mga madre at iba pa na lumabag sa seksyon 8 ng Republic Act 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.) Ang lahat ng mga akusasyon sa kanila ay batay lamang sa gawa-gawang salaysay ng dalawang nagpakilalang “dating myembro ng PKP.” Walang inilabas na dokumento ang DoJ kaugnay sa kanilang akusasyon.

Ang mga isinakdal ay sina Mary Louise Dumas, Maridel Solomon Fano, Hanelyn Caibigan Cespedes, Emilio Gabales, Ma. Fatima Napoles Somogod, Evelyn Lumapas Naguio, Jhona Ignilan Stokes, Melissa Amado Comiso, Aldeem Abroguena Yanez, Aileen Manipol Villarosa, Czarina Gold Selim Musni, Angelie Magdua, Sister Augustina Juntilla, Sister Maryjane Caspillo, Sister Emma Teresita Cupin at Sister Susan Dejolde.

Ayon sa DoJ, nagbigay ang mga nabanggit ng pondo sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army. Idineklara ng estado na “terorista” ang CPP at NPA alinsunod sa Anti-Terrorism Law nito.

Ayon diumano sa kanilang “saksi,” inakusahan ng DoJ sina Musni, Fano, Dumas at Villarosa bilang mga “myembro ng CPP-NPA” na binigyan ng pondo ng RMP-North Mindanao region. Sa kabilang panig, inakusahan naman nito sina Musni, Fano, Somogod at Stokes na “naglabas ng tseke” para kina Dumas, Villarosa, Naguio at Yanes, na pawang mga “myembro din ng CPP-NPA.”

Hindi isinapubliko kung sino ang mga “saksi” na ito. Hindi tinukoy kung magkano ang pondong ipinagkaloob ng RMP sa “myembro ng CPP-NPA.” Wala ring dokumento kaugnay sa diumano’y imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council na binabanggit ng DoJ.

Ang maksimum na hatol sa gayong kaso ay pagkakakulong nang habambuhay at multa na isang milyong piso kada isa. Hindi maaaring magpyansa ang mga nasasakdal.

Mariing kinundena ng National Union of People’s Lawyers ang pagkakaso sa 16, laluna sa abugadong si Musni, na nagsisilbi ring pambansang awditor ng organisasyon. Si Musni ay pangkalahating kalihim din ng Union of People’s Lawyers of Mindanao na aktibo sa pagtatanggol ng maraming detenidong pulitikal sa Northern Mindanao,

Taliwas sa pagkakasong ginawa ng DOJ ang independyenteng rebyu ng mga internasyunal na ahensyang nagpopondo sa RMP na nagbigay ng “clearance” sa kanila.

Ayon sa NUPL, ang pagkakaso kay Musni, sa mga madre at istap ng RMP ay kabilang sa napakaraming pagtatangka na pahinain ang suporta sa pagsusulong sa karapatang-tao sa rehiyon. Bago pa nito, palagian nang nakatatanggap si Musni ng mga pananakot at harasment, kapwa tuwiran at online.

Wala ring patid ang panggigipit sa RMP. Noong Pebrero 2020, ipinagkait ng DoJ sa RMP ang sarili nitong pondo sa pamamagitan ng “freeze order” sa mga bank account nito.

Ang RMP ay binuo noong Agosto 1969 ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), isang organisasyon ng mga pinuno ng mga kongregasyon. Nagsisilbi itong katuwang ng AMRSP sa pagbibigay ng serbisyo sa mahihirap na komunidad sa Pilipinas sa nakaraang mahigit 50 taon.

AB: Pagdawit sa mga madre sa “terorismo,” binatikos