Pagdukot ng estado kay James Balao, ginunita

Ginunita ng mga aktibista noong Setyembre 16 sa Sunshine Park, Baguio City ang ika-14 taong pagdukot kay James Balao, isang aktibista at tagapagtaguyod ng karapatan ng katutubo. Nagsindi sila ng kandila at inalala ang buhay ni Balao, kasabay ang panawagan na ilitaw ang lahat ng desaparesido.

Dinukot si Balao ng mga armadong kalalakihang nagpakilalang mga pulis sa Halsema Highway, Barangay Tomay, La Trinidad, Benguet. Inakusahan siyang drug pusher at sinabing dadalhin sa Regional Headquarters ng Philippine National Police sa Camp Bado Dangwa, ilang daang metro lamang kung saan siya dinukot. Hindi na siya nakita mula nang araw na iyon.

Namulat si Balao sa panahon ng batas militar. Kasama siya ng mamamayang Igorot sa pagdepensa sa kanilang lupang ninuno. Sa huling bahagi ng 1970 ay naging editor-in-chief siya ng UP Baguio Outcrop. Nang makapagtapos ay buong panahon siyang kumilos sa pagtatanggol sa lupa at kabuhayan ng Cordillera. Kabilang siya sa nagtatag ng Cordillera People’s Aliance, alyansa ng mga katutubo sa Cordillera na nagtataguyod ng kanilang karapatan at nagdedepensa sa lupang ninuno.

AB: Pagdukot ng estado kay James Balao, ginunita