Balita

Paggunita sa anibersaryo ng Partido, inilunsad sa Rizal

Nagtipon ang mga kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines upang sama-samang gunitain noong Enero 12 ang ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kasabay nito, pinagpugayan at inalala ng PKP-Rizal ang isang taong anibersaryo ng pagpanaw ni Prof. Jose Maria Sison (Ka Joma) at ng iba pang mga rebolusyonaryong martir ng Rizal at Baong Hukbong Bayan (BHB)-Rizal.

Nag-alay ng mensahe ng pakikiisa at mga pangkulturang pagtatanghal ang mga kinatawan ng rebolusyonaryong mga organisasyon bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido. Inilahad ng bawat isa ang pagtanggap ng hamon na patuloy na magwasto at magpanibagong lakas para sa pagpapatuloy ng rebolusyon.

Ibinahagi ng National Democratic Front-Rizal ang mahabang kasaysayan ng pakikiisa sa malawak na bilang ng mamamayan sa pagtataguyod ng demokratikong rebolusyong bayan. “Hinding-hindi magagapi ang rebolusyonaryong kilusan dahil patuloy na umiigting ang krisis panlipunan na syang nag-uudyok sa mamamayan na maghimagsik,” bigkas ng kinatawan nito.

Kasunod nitong nagbigay ng mensahe ang representante ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Maibaka)-Rizal upang ilahad ang mahigpit na pakikiisa ng kababaihan sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Anang tagapagsalita ng Makibaka-Rizal, “Lubos ang pagtanggap ng rebolusyunaryong kababaihan ng Rizal sa hamon ng Partido na iwasto ang mga pagkukulang at kahinaan nito. Makakatiyak ang hanay ng kababaihan na iigpaw pasulong ang rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay.”

Kasunod nitong nagbigay mensahe ang Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (Kasama-Rizal) upang ilahad ang mahalagang papel at gampanin ng mga maralita at mala-manggagawa sa pagsusulong ng rebolusyon. “Tulad ng kababaihan, lubos ding tinatanganan ng mga mala-mangagagawa ang hamon ng Partido sa pagpapanibagong lakas ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa ating lalawigan.”

Huling nagbigay ng mensahe ng pakikiisa ang Kabataang Makabayan (KM)-Rizal at ibinahagi ang pagiging determinado nito na tatanganan ang malaking papel at tungkulin sa pagpapanibagong sigla at pagsulong ng buong rebolusyonaryong kilusan. Banggit ng KM-Rizal, “Pinatunayan ng kasaysayan mula pa noong rebolusyon ng 1896 hanggang sa pagpapatuloy nito sa pambasa-demokratikong rebolusyon ng bagong tipo na ang kilusang kabataan ay hindi masasaid na balon ng salinlahi ng rebolusyon. Kaya mahigpit ang pagtanggap ng KM-Rizal na bakahin at iwaksi ang empirisismo, konserbatismo, indibidwalismo at iba pang mga kahinaan at kalulangan nito.”

Sa huling bahagi ng programa, sama-samang nanumpa muli ang mga kasapi ng Partido upang balikan ang rebolusyonaryong mga tungkulin at prinsipyo nito para sa pagpapatuloy ng demokratikong rebolusyong bayan.

Ito ay isang panata na mahigpit na tanganan ang mga prinsipyo ng Partido buhay man ang ialay upang maampat ang mga pinsala at pagpapanibagong-lakas ng pambansa-demokratikong pakikibaka tungo sa mas mataas na antas.

AB: Paggunita sa anibersaryo ng Partido, inilunsad sa Rizal