Balita

Paggunita sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni George Floyd

Libu-libong indibidwal ang nagtipon at nagmartsa noong Mayo 25 sa iba’t ibang syudad ng US para gunitain ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni George Floyd. Sa Minneapolis kung saan pinatay si Floyd, nagsindi ng mga kandila at nag-alay ng ilang sandali ng katahimikan ang kanyang mga tagasuport para dakilain ang kanyang alaala. Kasabay nito, nakipagkita rin ang pamilya ni Floyd kay US Pres. Joe Biden and US Vice Pres. Kamala Harris sa White House sa Washington.

Isinigaw ng mga lumahok sa pagkilos ang pangalan ni Floyd bilang pagkilala sa kanyang pagkamatay na naging simbolo ng paglaban para sa racial equality (pagkakapantay-pantay sa lahi) at pagreporma sa pulisya ng US. Ang pagkamatay ni Floyd ang nagsilbing mitsa sa muling pagdaluyong ng kilusang Black Lives Matter sa buong daigdig.

Sa ngayon, nakabimbin pa rin sa Senado ang George Floyd Justice in Policing Act, isang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagsasagawa ng racial at religious profiling ng pulisya, tanggalan ng qualified immunity (ligal na doktrinang pumoprotekta sa mga pampublikong upisyal sa anumang sibilyang pananagutan sa paglabag ng mga karapatang-tao) ang mga pulis, at magbuo ng pambansang database kung saan nakalista ang pangalan ng mga pulis na nasibak o nagbitiw dahil sa paglabag sa karapatang-tao.

Nahatulang maysala sa kasong pagpatay si Derek Chauvin, ang pulis na lumuhod sa leeg ni George Floyd, noong Abril 20.

AB: Paggunita sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni George Floyd