Balita

Pagkamatay ng 67-anyos na bilanggong pulitikal sa Cagayan, pananagutan ng rehimeng Marcos

,

Isinisi ng National Democratic Front (NDF)-Cagayan Valley sa rehimeng Marcos ang pagkamatay ng 67-anyos na bilanggong pulitikal na si Cristeta Miguel sa sakit na kanser sa baga noong Nobyembre 20. Namatay siya sa loob ng kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Tuguegarao City nang walang hustisya laban sa hindi makatarungang pag-aresto sa kanya.

Inaresto si Miguel, kasama si Violeta Ricardo, noong Oktubre 8, 2019 sa Gattaran, Cagayan. Pinararatangan silang mga matataas na kasapi ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Sinampahan siya ng 36 na kaso, kung saan 31 na ang ibinasura ng mga korte bago siya pumanaw.

Bago pa makulong, mayroon nang mga sakit si Miguel dulot ng katandaan. Lalong sumama ang kanyang kalusugan sa kulungan nang dapuan ng sakit na Covid-19 na kalaunan ay naging pneumonia noong nakaraang taon. Sa kulungan, ilang ulit siyang nawalan ng malay dahil sa kahirapan sa paghinga. Na-diagnose siyang may kanser sa kalaunan. Liban sa di makatarungang pagkakakulong, pinalubha ang kanyang kalagayan ng kawalan ng angkop na atensyong medikal sa loob ng BJMP.

“Sa kabila ng mga panawagan at apela ng kanyang abugado at grupo ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao na palayain at agaran siyang ipagamot, ipinagkait ito ng korte, kahit pa marami nang naibasura sa mga kasong isinampa sa kanya,” pahayag ni Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng NDF-Cagayan Valley.

Ayon kay Ka Salvador, hindi naiiba ang kalagayan ni Miguel sa kalagayan ng marami pang detenidong pulitikal na kalakhan ay matatanda at may iniindang mga sakit. Sa huling tala ng Karapatan, 98 sa 795 bilanggong pulitikal ang maysakit habang 78 ang matatanda.

“Ang pagkakait sa kanila ng karapatang-medikal ay hindi makataong pagtrato at tahasang paglabag sa mga batayang karapatan ng isang detenido at lalo na bilang tao,” dagdag pa ni Ka Salvador.

Si Miguel ay tubong Abariongan Uneg, Sto Niño, Cagayan na inilaan ang kanyang buhay sa pagmumulat at pag-oorganisa sa mga mahihirap na mga magsasaka at mga katutubong Aggay sa Cagayan Valley mula pa noong batas militar.

AB: Pagkamatay ng 67-anyos na bilanggong pulitikal sa Cagayan, pananagutan ng rehimeng Marcos