Balita

Pagmamaliit ni Roque sa mamamahayag ng BBC, binatikos

Binatikos ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpapahiya ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mamamahayag ng British Broadcasting Corporation (BBC) na si Virma Simonette Rivera sa isang press briefing ng Malacañang noong nakaraang linggo.

Ito ay kaugnay ng ulat na pinamagatang “Our World: The Battle for the South China Sea” na inilabas ng BBC para gunitain ang ikalimang taon ng panalo ng Pilipinas sa kaso sa International Arbitral Tribunal laban sa China. Itinampok sa ulat ang kwento ng mga mangingisdang nagsabing hindi sila makapangisda sa Scarborough Shoal dulot ng panggigipit ng mga barko ng China.

Anang FOCAP, “mapagmata at mapagmaliit” ang tono ni Roque nang bansagan niyang mapanlinlang at batay lamang sa tsismis ang ulat ni Rivera. Sa kalagitnaan ng press conference, sinabihan niya si Rivera na tawagan na lamang umano niya ang alkalde ng Masinloc sa Zambales at ang coast guard para patunayang hindi “tsismis” ang kanyang ulat. Sinabi rin niyang nagsisinungaling lamang ang mga mangingisda.

Sa isang pahayag, sinabihan naman ng NUJP si Roque na: “kalma ka lang.” Binatikos ng grupo si Roque sa paggamit sa upisyal na briefing ng Malacañang bilang personal na platapormang online para magsabi-sabi. Anito, bagamat may karapatan siyang hindi sang-ayunan ang ulat, inaasahan sa kanya ang pagtrato nang may respeto sa mamamahayag.

Binatikos rin ng Pamalakaya si Roque at ang mayor ng Masinloc na si Arsenia Lim na nagsabing nakakapangisda pa ang mga mamamalakaya sa Bajo de Masinloc at kahit “lagpas pa” rito. Ginawa niya ang pahayag sa press conference na ipinatawag ng Malacanang noong Hulyo 14 kung saan isa siya sa mga “panauhin.” Tanong ng Pamalakaya, pinagtatakpan ba ng alkalde ang China. Ani grupo, kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang mga constituent, wag na niyang pasinungalingan ang kalagayan ng mga mangingisda. Sa bilang ng Pamalakaya, mayroong 1,500 mangingisda na direktang apektado sa paghaharang ng mga barkong Chinese. Nangangahulugan ito ng pagbagsak ng kanilang huli nang hanggang 60%.

Sa isang pahayag noong Hulyo 15, iginiit ni Roque na hindi siya hihingi ng tawad sa mamamahayag dahil itinataguyod lamang umano niya ang “katotohanan.”

Hindi ito ang unang kaso ng pamamahiya ni Roque sa mga mamamahayag, partikular na sa mga babae. Noong Mayo 2020, umani rin ng malawakang pagbatikos si Roque matapos pagalitan niya ang mamamahayag ng CNN na si Tricia Terada kaugnay sa isang ulat na hindi naman niya isinulat. Noong Pebrero, binatikos din ng mga mamamahayag ang madalas na pagputol ni Roque sa linya ng mamamahayag ng Rappler na si Pia Ranada habang nagtatanong sa kanya.

AB: Pagmamaliit ni Roque sa mamamahayag ng BBC, binatikos