Pagpalipad ng mga Blackhawk helicopter, ipinatitigil
Ipinatigil ni Defense Secretary Gen. Delfin Lorenzana ang pagpalipad ng mga Black Hawk helicopter noong Hunyo 24 pagkatapos na bumagsak ang isa nito sa isang misyong pagsasanay sa Colonel Ernesto Rabina Air Base sa Capas, Tarlac.
Ang pagpapatigil sa pagpalipad ng mga Black Hawk helicopter ay may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon ng Department of National Defense.
Bumagsak ang helicopter noong Hunyo 23 ng gabi pagkatapos mag-take off ito mula sa dating base militar. Kinabukasan, natagpuan ng mga pangkat ng search and rescue ang labi ng combat utility helicopter sa may Crow Valley, Tarlac. Patay lahat ang anim na sundalo na sakay nito.
Ang bumagsak na S-70i Black Hawk helicopter ay isa sa 16 na binili ng Pilipinas sa Poland noong 2019. Ang anim nito, kabilang ang bumagsak, ay dumating sa bansa noong Nobyembre 2020. Dumating naman ang limang helikopter noong maagang bahagi ng Hunyo at sumasailalim ngayon sa teknikal na inspeksyon.
Inaasahang darating sa katapusan ng taon ang huling bats ng S-70i Black Hawk helicopter.
Bahagi ang biniling 16 Black Hawk helicopter sa $241 milyong kontrata sa pagitan ng mga gubyerno ng Pilipinas at Poland na nilagdaan noong 2019. Gawa ang mga ito ng PZL Mielec ng Poland, isang subsidyaryo ng kumpyang Amerikano, ang Lockheed Martin, na siya ring nagmamay-ari ng Sikorsky at orihinal na nagmamanupaktura ng mga Black Hawk helicopter.
Sa kabuuan, mayroong 14 piloto at sundalo na ang namatay sa mga pagbagsak ng helikopter simula noong Enero nitong taon.
Ang unang insidente ay ang pagbagsak ng isang UH-1H Huey helicopter ng 205th Tactical Helicopter Wing sa Bolunay, Impasug-ong, Bukidnon noong Enero. Patay ang pitong nakasakay nito habang nagsasagawa sila ng resupply mission para sa 8th Infantry Battalion ng Philippine Army laban sa New People’s Army.
Noong Abril, namatay ang isang piloto ng Philippine Air Force habang nasugatan ang tatlong iba pa pagkatapos bumagsak ang isang MG520 helicopter gunship ng 15th Strike Wing sa bayan ng Jetafe, Bohol.
Noong namang Hulyo ng nakaraang taon, apat na sundalo ang napatay at isa pa ang nasugatan pagkatapos bumagsak ang isang Huey helicopter habang lumilipad ito sa isang pagsasanay sa gabing operasyon sa hilagang bahagi ng bansa.
Luma ang karamihan sa mga kagamitang ginagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang mga barko at eroplanong ginamit pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong dekada 1960 sa gerang agresyon ng US sa Vietnam. Kaugnay nito, naglaan ang rehimeng Duterte ng mahigit $6 bilyon o Ᵽ293 bilyon para pambili ng mga kagamitang militar sa pagitan ng 2018 hanggang 2022. #