Balita

Pagpapalaya sa Mabinay 6, muling iginiit sa ika-6 taon ng pagkakakulong

,

Nanawagan ang Karapatan-Central Visayas at iba pang mga grupo sa karapatang-tao sa rehimeng Marcos na palayain ang Mabinay 6 na ikinulong noong Marso 3, 2018 sa mga kasong kriminal na illegal possession of firearms and explosives. Giit ng Karapatan-Central Visayas, ang mga kasong ito ay pawang panggigipit at gawa-gawa kaya dapat na silang palayain.

Ang Mabinay ay binubuo nina Myles Albasin, Carlo Ybañez, Randel Hermino, Bernard Guillen, Joey Vailoces at Joemar Indico na dinakip sa Mabinay, Negros Oriental.

“Kabilang ang Mabinay 6 sa pinakamatatagal nang nakakulong matapos ang walang mandamyentong pagkakaaresto nila noong 2018. At ang anim na taon ay napakatagal nang panahon para pagkaitan sila ng kanilang kalayaan at batayang mga karapatang-tao,” pahayag ni Dennis Abarientos, tagapagsalita ng Karapatan-Central Visayas.

Naniniwala si Abarientos na napakahalaga na mamayani ang hustisya at dapat kagyat na palayain ang Mabinay 6. “Ang pinatatagal na detensyon sa mga indibidwal na ito nang walang matibay na ebidensya ay malinaw na paglabag sa kanilang mga karapatan,” ayon pa sa kanya.

Pinalalabas ng 62nd IB, yunit na dumampot sa kanila, na naaresto ang mga biktima sa isang armadong engkwentro ng yunit nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 2018. Malaon nang pinasubalian at iginigiit ng mga saksi na wala itong katotohanan.

Ang Mabinay 6 ay kabilang sa 154 bilanggong pulitikal sa isla ng Negros, Cebu at Bohol na binubuo ng pawang mga aktibista, magsasaka, mga lider-simbahan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na sinasampahan ng mga kasong kriminal. Taktika ito ng estado para patahimikin at sindakin ang sinumang naninindigan laban sa mga paglabag sa karapatan ng mga armadong pwersa ng estado.

AB: Pagpapalaya sa Mabinay 6, muling iginiit sa ika-6 taon ng pagkakakulong