Pagpapaliban ng pagbubukas ng klase sa daan-daang paaralan, sanhi ng kapabayaan at kawalang paghahanda ng gubyerno

Umaabot sa 738 eskwelahan ang hindi makapagbubukas ng mga klase sa Hulyo 29 dahil sa malawakang pagbaha na dulot ng hanging habagat na pinalala ng Bagyong Carina. Ayon sa Department of Education, 425 dito ay dahil sa pagbaha at 246 ay dahil ginagamit ang mga eskwelahan bilang evacuation center. Kabilang sa mga di makapagbubukas ang 442 paaralan sa Central Luzon, 206 sa Metro Manila, 86 sa Cordillera at apat sa Soccsksargen. Sa Central Luzon, pinakamarami sa Bataan (208), Bulacan (92) at Pampanga (51). Sa Metro Manila, ilan sa di makapagbubukas ang 71 paaralan sa Valenzuela, 42 sa Malabon at 33 sa Marikina.

Ang mga pagpapaliban na ito ay di maiiwasang resulta ng kainutilan at kapabayaan ng gubyerno sa paghahanda para sa mga sakuna at pagtugon sa bulnerabilidad ng mga paaralan, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).

“Tuwing may kalamidad na lang ba ay mapuputol ang ating edukasyon? Nasaan na ang mga kumprehensibong plano at pondo para mabilis na makumpuni ang mga klasrum na nasira…? Nasaan ang ipinagmamalakng disaster-resilient na mga klasrum? Nasaan ang mga itinayong evacuation center? Nasaan ang sapat na ayuda sa mga apektadong pamilya?” tanong ni Vladimer Quetua, pinuno ng ACT.

“Kapag may baha, mahihirap agad ang sinisisi, silang ginagawang kabuhayan ang basura dahil walang disenteng trabaho at sapat na hanapbuhay. Hindi sila ang sumisira sa kalikasan at dahilan ng baha, ang imperyalistang pandarambong ang sumisira, mga higanteng minahan, mga malalaking reclamation projects, mga quarrying companies na pumapatag ng kabundukan. Nasaan ang hustisya para sa kalikasan?” aniya.

Panawagan ng ACT na kagyat na tugunan ang mga usaping ito at gawing prayoridad ang kapakanan ng mga estudyante, guro at ng sektor ng edukasyon sa pangkalahatan.

AB: Pagpapaliban ng pagbubukas ng klase sa daan-daang paaralan, sanhi ng kapabayaan at kawalang paghahanda ng gubyerno