Pagpapapirma para sa chacha, sinuspinde sa gitna ng mga anomalya

Sinuspinde nang walang taning noong Enero 29 ng Commission on Elections ang pangangalap ng pirma para sa isang “people’s initiative” para sa charter change (chacha) o pagbabago sa konstitusyong 1987. Ayon sa komisyon, kailangang balik-aralan muna ang resolusyong namamahala sa gayong inisyatiba.

Bago nito, inianunsyo ng Comelec na “tagatanggap” lamang ito ng mga pirma. Ibinalita nito kamakailan na tinanggap na nito ang pitong milyon lagda mula sa 209 distrito. Kailangan ng di bababa sa 11.4 milyong lagda o 12% sa 91.9 milyong rehistradong botante para maitulak ang isang people’s initiative.

Napatigil ang pangangalap sa harap ng malawak na pagtutol dito ng iba’t ibang sektor. Simula pa lamang, nabunyag na ang paggamit ng pampublikong pondo para sa pangangalap ng pirma. Laganap ang balita ng pagpapapirma kapalit ng ₱100 o mas malala, ayuda mula sa iba’t ibang ahensya ng estado.

Kinontra rin ng Senado at mga eksperto sa konstitusyon ang inisyatiba. Labag ito diumano sa konstitusyon, ayon sa isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema. Aniya, tanging mga amyenda, at di rebisyon ng konstitusyon ang pinapayagang idaan sa pamamagitan ng isang people’s initiative.

Sa isang pandinig sa Senado noong Enero 30, nabunyag ang pagsasabwatan ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (Pirma), ang grupong nagbayad ng patalastas para itulak ang chacha, at ni House Speaker Martin Romualdez at iba pang kongresista, para sa pangangalap ng pirma. Liban sa panunuhol kapalit ng mga pirma, nabunyag din ang paggastos ng PIRMA ng ₱55 milyon para i-ere ang patalastas na tumuya sa Pag-aalsang EDSA at nagsisi dito sa mga problema ng bansa sa konstitusyon.

Samantala, napilitan na si Ferdinand Marcos Jr na pansamantalang ipatigil ang pangangalap ng mga pirma dahil masyado umano itong “mapanghati.”

“Sa ngayon, patuloy pa rin ang people’s initiative, pero di ako tiyak kung opsyon pa ito para sa amin,” pahayag niya noong Enero 30. Aniya, ipinatatanong pa niya sa kanyang mga abugado, kabilang sina presidential legal counsel Juan Ponce Enrile, kung anu-ano pa ang mga opsyon para mabago ang konstitusyon.

“Magandang balita ito at hihintayin namin ang pormal at nakasulat na desisyon na ito ng Comelec,” pahayag naman ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Party List noong Enero 30. “Sa totoo lang, it’s a waste of time (pagsasayang lang ito ng panahon). Dapat na mas tutukan ng Comelec ang pagpaarehistro ng mga botante para sa eleksyon sa 2025. Kasi masasayang lang ang tinatanggap nilang mga pirma kung iwiwithdraw (lang din naman).”

Sa harap ng suspensyon, magpapatuloy ang kampanyang “bawi-pirma” na sinimulan ng Bayan Muna noong Enero 28. Marami nang pumirma ang nagpahayag ng kagustuhang bawiin ang kanilang pirma nang malaman nilang para pala ito sa charter change. Anila, kung hindi pagpapapirma para sa ayuda, ibang dahilan ang sinabi sa kanila kaya sila pumirma.

Ayon kay Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna, patuloy na mangungulekta ang grupo ng “Affidavit and Manifestation of Withdrawal” hanggang di binibitawan ng PIRMA ang pakanang people’s initiative.

“Patuloy kaming mangangalap ng mga affidavit na ‘bawi-pirma’ at maglulunsad ng mga porum sa buong bansa,” aniya. “Ayaw naming magulat sakaling biglang bawiin ng Comelec ang suspensyon.”

AB: Pagpapapirma para sa chacha, sinuspinde sa gitna ng mga anomalya