Balita

Pagpaslang ng militar sa batang Mangyan-Buhid, kinundena ng NDFP

Kinundena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang kasuklam-suklam na pagpatay ng 4th IB at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police sa isang batang Mangyan-Buhid sa Sityo Tauga Daka, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Hulyo 3.

Nasawi ang bata matapos paulanan ng bala ng mga sundalo at pulis ang bahay ni G. Inyab, isang katutubong Mangyan-Buhid sa naturang sityo. Niratrat ng mga ito ang bahay matapos aksidenteng makatapak sa mga patibong para sa baboy-ramo ang tropa nila habang naglalakad sa lupain ni G. Inyab. Para pagtakpan ang krimen, pinalalabas ng mga sundalo na ang bata ay napaslang sa isang armadong engkwentro.

Nanawagan ng hustisya si Ka Coni Ledesma, pinuno ng Special Office for the Protection of Children ng NDFP, para sa batang biktima at kanyang pamilya, gayundin ang mahigpit na pagsunod ng mga pasistang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pulis sa internasyunal na makataong batas. Ayon pa sa kanya, dapat bigyan ng indemnipikasyon ng mga sundalo ang pamilya ng biktima bilang kabayaran sa pinsalang idinulot nila.

Iginiit din ni Ledesma at ng NDFP na dapat kagyat na palayain sina G. Inyab, isang matandang babae at bata na dinukot at ikinulong ng mga sundalo matapos ang insidente.

Hindi na bago ang paglabag sa karapatan ng bata ng armadong pwersa ng estado.

Noong Pebrero 8, dalawang batang, edad 9-anyos at 12-anyos, ang napaslang sa pamamaril ng 20th IB sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar. Nasugatan din sa insidente ang isa pang bata.

Noong Abril, tinugis ng mahigit 100 elemento ng AFP ang 2-buwang sanggol at 2-taong gulang na bata na pinaratangan nilang mga anak ng mga Pulang mandirigma sa mga sityo ng Malikoliko at Cunalom sa Barangay Carabalan at sa Sityo Tigbao sa Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental.

AB: Pagpaslang ng militar sa batang Mangyan-Buhid, kinundena ng NDFP