Pagpatay ng SAF sa 2 sibilyan sa Northern Samar, pinalalabas na engkwentro
Umalma at umapela ng hustisya ang mga kaanak ng dalawang sibilyang biktima na brutal na pinatay ng mga pwersa ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Sityo Ibaliw, Barangay Sangay, Palapag, Northern Samar noong Mayo 5. Kinontra nila ang sinasabi ng PNP-SAF na ang mga sibilyang sina Joel Balading Recare at Oscar Alastoy ay mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga napatay sa engkwentro.
Imbwelto sa naturang krimen si Police Lt Francisco na siyang namumuno sa yunit ng PNP-SAF na nag-operasyong lugar. Pinalalabas nitong nakasagupa nila ang 20 mandirigma ng BHB na humantong sa pagkamatay ng dalawa.
Pinabulaanan ng mga kaanak na sila ay mga mandirigma ng BHB. Inilinaw din nila na ang dalawa ay pawang mga residente ng Barangay Capacujan at nasa lugar ang dalawa dahil ‘chainsaw helper’ ang mga ito. Maging ang punong barangay ng Barangay Capacujan ay nagpatunay na mga sibilyan ang dalawa at wala umanong negative record o hindi man lamang kasama sa watchlist ang nabanggit na mga indibidwal.
Ipinahayag pa ng pamilya ang labis na pagkadismaya at hinagpis dahil higit 24 oras pa bago nadala ang mga bangkay sa Regional Health Unit at nasa state of decomposition na ang mga ito.
Kinundena ng grupo sa karapatang-tao na Karapatan ang karumal-dumal na krimen ng mga pwersa ng estado. Anila, isa itong malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Ayon pa sa grupo, “ang mga sibilyan ay higit na binibiktima ng rehimeng Marcos Jr sa brutal na gerang kontra-insurhensya nito.”
Nanawagan din ang grupo sa Commission on Human Rights na magsagawa ng masinsing imbestigasyon sa kasong ito.
Kamakailan lamang, naiulat din ang sadyang pagpatay ng militar sa isang sibilyang magsasaka sa Sityo Ulo-Tuburan, Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Mayo 3 at isa pang kaso sa Balbalan, Kalinga sa parehong araw.