Pagsisimula ng klase sa UP Manila at UP Visayas, sinalubong ng protesta
Nagprotesta ang mga iskolar ng bayan sa University of the Philippines (UP) Manila at UP Visayas sa pagbubukas ng klase nito noong Enero 29. Karaniwang inilulunsad ng mga estudyante ng UP ang tinatawag nitong “First Day Rage” para salubungin ang pagbubukas ng klase at patampukin ang iba’t ibang isyung panlipunan.
Sa UP Manila, isinagawa ng mga progresibong organisasyon at ng mga konseho ng mag-aaral sa kampus ang pagkilos sa College of Arts and Sciences (CAS) Gate at sa College of Medicine Gate. Samantala, inilunsad ng mga grupo sa pangunguna ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan-UPV, ang kanilang pagkilos sa New Administration Building, UP Visayas, Miagao, Iloilo.
Itinampok ng mga grupo ang mga usapin at isyu ukol sa kawalan ng mga espasyo para sa estudyante, pagkakaltas ng badyet sa mga state universities and colleges at local universities and colleges, at pagtapak sa karapatang pang-akademiko at militarisasyon sa kampus. Ipinaabot din nila ang suporta sa mga tsuper at opereytor ng dyip para labanan ang public utility vehicle (PUV) phaseout. Nagpahayag din sila ng pagtutol sa charter change ng rehimeng US-Marcos.
“Ang protestang ito ay simbolo ng ating patuloy na pakikibaka para sa karapatan, kabuhayan, at kalayaan. Sa harap ng patuloy na paghihirap ng sambayanang Pilipino kinakailangan ang aktibo at militanteng paglaban ng kabataan at buong sambayanan,” pahayag ng SAMASA-UPV.