Balita

Pagtatalaga ni Duterte kina Parlade at Sinas sa gabinete, kinundena

Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas at iba’t ibang mga grupo ang pagtatalaga ni Rodrigo Duterte sa dating hepe ng Philippine National Police na si Debold Sinas at dating hepe ng Southern Luzon Command at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na si Antonio Parlade sa kanyang gabinete nitong nakaraang mga araw.

Kinumpirma ng upisina ng presidente noong Setyembre 11 na itinalaga si Sinas bilang undersecretary sa upisina nito. Samantala, si Parlade ay hinirang sa National Security Council noong Setyembre 8. Bilang mga myembro ng gabinete, bibigyan sila ng mas malakas na boses sa pagbubuo ng mga patakaran, gayundin ng mas malaking sweldo bilang mga upisyal ng gubyerno. (Sa kaso ni Parlade, maaaring umabot sa P2 milyon ang tanggapin niyang sweldo sa isang taon.)

Ayon sa Karapatan, ang pagtatalaga sa dalawang upisyal ay pagtataguyod sa patakaran ng karahasan ng estado. Ipinakikita nito ang paggantimpala ni Rodrigo Duterte sa mga tagapagtaguyod ng patakarang ito. Si Sinas ay kilala na nanguna sa plan Sauron, isang madugong kampanya ng pagpatay at pag-aresto sa mga ordinaryong magsasaka sa isla ng Negros. Bilang hepe ng PNP, pananagutan din niya ang arbitraryong pang-aaresto sa mga aktibista sa Metro Manila noong 2020.

Si Parlade, sa kabilang banda, ay kumakaharap sa mga kaso ng matitinding krimen laban sa sangkautahan kaugnay sa pamamaslang at masaker sa mga magsasaka, aktibista at ordinaryong mamamayans sa Southern Tagalog at Bicol. Siya rin ang tinaguriang “hari ng red-tagging” ng mga aktibista, artista at maging ng mga communitry pantry sa buong bansa.

“Nakasusuka” ang paglalarawan ni Marco Valbuena, tagpagsalita ng Partido, sa pagtatalaga kay Parlade sa NSC. Anito, dapat patuloy siyang papanagutin sa kanyang mga krimen, kabilang ang ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga konsultant ng NDFP na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio. “Dapat siyang isakdal sa hukumang bayan para mapanagot sa kanyang mga krimen.”

“Pag-recycle ng basura” ang tawag ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa pagkakataalaga kay Parlade. Asahang titindi pa ang red-tagging ng rehimeng Duterte sa inaharap dahil dito, aniya.

AB: Pagtatalaga ni Duterte kina Parlade at Sinas sa gabinete, kinundena