Pagtatatag ng Negros Island Region, pagkonsentra ng reaksyunaryong kapangyarihan sa pulitika

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi naniniwala ang Bagong Alyansang Makabayan-Negros na ang layunin ng pagbubuo ng Negros Island Region (NIR) ay para pasiglahin ang lokal na ekonomya at pabilisin ang serbisyo ng mga lokal na ahensya sa isla. Ang totoo, ang pagbubuo sa isla bilang isang rehiyon ay para mamonopolisa ng naghaharing mga dinastiya sa pulitika sa isla ang mga pampublikong serbisyo, kabilang ang serbisyo sa gubyerno, tubig, kuryente at iba pa.

Pinaglalawayan din ng mga dinastiyang ito ang mga proyektong pang-imprastruktura na itatayo para sa bagong rehiyon. Kabilang sa mga ito ang paglalatag ng “superhighway” para pabilisin diumano ang byahe sa pagitan ng Dumaguete City at Bacolod City. Tatagos ito sa Cuernos de Negros mountain range, isang key biodiversity area (o susing lugar pangkalikasan) at nagsisilbing watershed ng 15 munisipalidad at syudad sa katimugang Negros Oriental. Itatayo rin ang mga bagong gusali para sa mga ahensya at upisina ng bagong rehiyon. Sa inisyal, 14 sa mga lokal na upisina ng mga pambansang kagawaran ang itatayo sa Bacolod, habang 16 ang itatayo sa Dumaguete.

Ang pagkilala sa isla bilang isang rehiyon ay napinal nang pirmahan ni Ferdinand Marcos Jr ang Republic Act 12000, na nagkonsolida sa Negros Occidental, Negros Oriental, at Siquijor sa isang administratibong entidad noong Hunyo 13. Ang isla ay dating sakop ng dalawang rehiyon—Central Visayas at Western Visayas. Samantala, ang Siquijor ay nakapailalim sa prubinsya ng Negros Oriental. Una nang binuo ang isla sa isang rehiyon noong panahon ng rehimeng Aquino II (2015) sa bisa ng Executive Order No. 183. Pero noong 2017, muli itong ibinalik ni Rodrigo Duterte sa dating kaayusan.

Noon pa man, malakas na ang pagtutol ng mga Negrosanon sa pagbubuo ng NIR. Una na dahil masyado itong mahal. Sa unang pagbubuo, tinayang umabot sa ₱19 bilyon ang kinailangang pondo para itayo ang bagong lokal na administrasyon. Walang naganap na totoo at kumprehensibong konsultasyon sa mamamayan sa Negros at Siquijor. Naghapag din ng pagkabahala ang Diocese ng Dumaguete sa posibilidad na magiging dehado ang Negros Oriental dahil mas kaunti ang mga distrito at syudad nito kumpara sa Negros Occidental.

AB: Pagtatatag ng Negros Island Region, pagkonsentra ng reaksyunaryong kapangyarihan sa pulitika