Balita

Pakana ni Marcos na "safe conduct pass" sa mga tatanggap ng amnestiya, itinawkil ng BHB-Cagayan Valley

Hindi magpapalinlang ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan Valley at mga Pulang mandirigma at kumander nito sa pakanang “safe conduct pass” (SCP) para sa mga papasok sa bogus na programang amnestiya ng rehimeng US-Marcos, ayon kay Ka Elias Almazan, upisyal sa pulitika ng panrehiyong yunit ng hukbo. Inialok ni Marcos ang SCP sa bisa ng pinirmahang Memorandum Order No. 36 noong Abril 11.

Nakasaad sa memorandum na pahihintulutan niya ang paglalabas ng mga SCP, sa pamamagitan ng National Amnesty Commission (NAC), sa mga rebeldeng nais pumaloob sa programang amnestiya na nahaharap sa mga kasong kriminal. Ayon sa hepe ng reaksyunaryong estado, “hindi lamang [ito] magbibigay ng proteksyon sa mga aplikante ng amnestiya [kundi] isang paanyaya sa lahat ng rebelde na ihinto ang armadong pakikibaka [at] isang bagong pahina upang makapagsimulang muli.”

Dati nang itinakwil ng mga yunit ng BHB sa buong bansa ang bogus na programang amnestiya na inilunsad noong Nobyembre 24, 2023 sa bisa ng Proclamation 404. Anila, higit na mas malaki ang rebolusyonaryong adhikain para sa ganap na pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan kumpara sa anumang alok na amnestiya at pagsusuko ng armas.

Ayon kay Ka Elias, katawa-tawa ang alok na SCP ng 5th ID sa aktibong mga Pulang mandirigma na boluntaryong susuko sa saklaw ng Cagayan Valley at katabing rehiyon ng Ilocos at Cordillera. Naghahabol umano ang kumander ng dibisyon para sa enggrandeng palabas ng pagpapasuko kasabay ng pagbisita ng mga tauhan ng NAC sa Gamu, Isabela sa Abril 22.

“Tiyak na maghahakot na naman ang militar ng daan, kung hindi man libo, na mga magsasaka at sibilyan upang iparadang surenderi,” ayon kay Ka Elias. Aniya, hindi malabong sasahol ang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa mga darating na araw dahil dito.

“Ang kampanyang pagpapasuko na ito ay kinatangian ng brutal na pagpapasailalim ng mga sibilyang populasyon sa kamay na bakal ng militar, at peke-pwersadong pagpapasuko sa puu-puong komunidad na tahasang paglabag sa kanilang pulitikal at sibil na karapatan,” dagdag pa ng upisyal sa pulitika. Sa tala ng yunit, mula 2018 ay daan-daang magsasaka na ng Cagayan Valley ang pinwersang “magpalinis ng pangalan” sa militar dahil sa walang humpay na panggigipit, pagbabanta at pananakot.

Liban sa karahasang dala ng bogus na programang amnestiya, sinabi ni Ka Elias na magsisilbi rin itong balon ng korapsyon ng matataas na upisyal militar ng 5th ID.

“Sa kaibutaran, desperadong pakana ng rehimen at estado ang amnesty upang ipinta ang imahe ng “estratehikong tagumpay” ng militar laban sa rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayan,” aniya.

Pagdidiin ni Ka Elias, inutil at nananaginip nang gising ang 5th ID sa ilusyong bibitawan ng BHB-Cagayan Valley ang kanilang armas. “Hanggat hindi nalulutas ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa—ang kawalan ng kalayaang nakabatay sa hustisyang panlipunan—patuloy na magpupunyagi ang hukbong masa kasama ang malawak na masa sa pagtahak sa landas ng matagalang digmang bayan,” dagdag niya.

Ayon kay Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, hindi isusuko ng rebolusyonaryong armadong kilusan ang adhikain nito at hindi magpapalinlang sa SCF, sa alok na amnestiya at pagsuko. “Nananatiling matapat ang mga komunista at rebolusyonaryong mandirigma sa mga mithiin ng mamamayang Pilipino,” aniya.

Sa halip na pagtanggap, sinabi ni Ka Marco na puspusang ilalantad at tutuligsain ito ng rebolusyonaryong kilusan bilang dagdag na kasangkapan ng panlalansi at pang-aapi.

Dagdag pa niya, higit na mas malaki ang rebolusyonaryong adhikain para sa ganap na pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan kumpara sa anumang alok na amnestiya. “Kumikilos ang mga rebolusyonaryo hindi sa makasariling paghahangad ng ganansyang personal, kundi dahil sa buong-pusong katapatang maglingkod at makibaka kasama ang sambayanan,” pagtatapos ni Ka Marco.

Muli ding idiniin ni Ka Marco na “pagsasangang-dila ang pag-aalok ni Marcos ng amnestiya sa mga susuko habang halos 800 bilanggong pulitikal ang nasa kulungan, at araw-araw, inaaresto at inuusig ang taumbayan dahil sa kanilang paniniwalang pampulitka at paninindigang panlipunan.”

AB: Pakana ni Marcos na "safe conduct pass" sa mga tatanggap ng amnestiya, itinawkil ng BHB-Cagayan Valley