Pakanang "engkwentro" ng 50th IB sa Abra, isiniwalat
Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Abra ang pinakakalat ng 50th IB na nagkaroon ng isang “engkwentro” sa pagitan ng yunit nito at hukbong bayan sa Barangay Mataragan, Malibcong, Abra noong Nobyembre 20. Anang BHB-Abra, walang engkwentro at naglustay lamang ng ilanlibong bala at pampasabog, at pondo ng bayan ang militar para sa pagpapalipad ng mga helikopter na nagresulta sa labis na takot ng mga sibilyan at pinsala sa kanilang kabuhayan at sa kapaligiran.
“Walang katotohanan ang pahayag ni 5th ID commander MGen. Audrey Pasia na may nangyaring engkwentro…walang nangyaring ’15 minutong engkwentro,'” pagdidiin ni Ka Florence Baluga, tagapagsalita ng BHB-Abra. Dagdag pa niya, walang katotohanan ang sinasabing pagkakasamsam ng 50th IB sa isang M14, 3 M16, 1 K3 Light Machinegun, at dalawang bandolyer.
Paglilinaw ng BHB-Abra, ang pakanang pekeng engkwentro ng 50th IB ay bahagi ng malawakang operasyong militar sa bayan ng Malibcong na nagdudulot ng labis na pinsala sa tribung Mabaka, Banao at Gubang at sa kanilang lupang ninuno. Iniulat ng mga residente na pinagbabawalan silang maglibot sa mga bundok kung saan karaniwan silang naghahanap ng dagdag na pagkain. Inoobliga din silang umuwi sa sentrong kabahayan tuwing gabi kaya naiiwan ang trabaho sa kabukiran.
“Peligro sa buhay at perwisyo sa kabuhayan ang dulot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga katutubong magsasaka,” giit ni Ka Florence.
Sariwa pa sa mamamayan ng Abra ang pagpatay ng 77th IB sa 68-anyos na magsasakang si Antonio Diwayan Agliwan sa Sityo Talipugo, Barangay Buneg, Lacub, Abra noong Oktubre 13 ng hapon. Para pagtakpan ng knailang krimen, pinalalabas na nagkaroon ng engkwentro.
Sa tala ng BHB-Abra, apat na batalyong mersenaryong sundalo ang tuloy-tuloy na nakakampo sa mga baryo at gumagalugad sa kapaligiran at kabundukan ng buong prubinsya. Anito, ginagamit na palabigasan ng AFP ang mga pekeng engkwentro para kubrahin ang mga pabuya ng rehimeng US-Marcos.