Balita

Palarong “Piñata” laban kina Bato at Sara, inilunsad ng mga nanay sa Marikina City

,

Pinangunahan ng mga nanay mula sa Gabriela Women’s Party (GWP)- Marikina ang larong piñata noong Hunyo 3 bilang pagpapakita ng kanilang pagkadismaya at galit sa balyahan sa senado na sadyang nag-aantala sa paglilitis kay Sara Duterte at nagtanggol sa kriminal na si Bato de la Rosa. Binatikos din nila ang kawalang ng aksyon ng estado sa tumataaas na presyo ng bilihin at bumababang kita ng mga pamilya.

Ang piñata, sa kulturang Mexican, ay isang sisidlan ng mga kendi, laruan, o iba pang sorpresa na madalas ay hugis hayop na puno at hinahampas hanggang mabasag para mailabas ang laman nito. Karaniwan itong ginagamit ito sa mga pagdiriwang. Sa Pilipinas, ang gamit ay palayok na may lamang mga kendi at barya, na inihahampas ng mga batang naglalaro habang nakapiring ang mata.

Habang nakapiring, salit-salitan ang mga residente sa paghampas sa mga palayok na may mga larawan nina- Senador Alan Peter Cayetano, De la Rosa at Duterte.

“Gusto nila tayong bulagin sa kanilang mga palabas at drama, pero sapul natin ang kanilang pagtatraydor sa taumbayan. Papanagutin natin sina Sara at Bato sa kanilang mga kasalanan, pati na rin si Senator Alan sa pagprotekta at pagkakanlong sa isang kriminal,” paliwanag ni Net Romero, pangkalahatang kalihim ng GWP Marikina.

“Hindi pwedeng manood lang ang mga mamamayang gutom sa palabas sa Senado. Dapat tayong kumilos at magpanagot sa lahat ng sangkot sa pagwawaldas ng buwis ng mamamayan,” dagdag ni Romero.

Ayon sa grupo, matagal nang biktima ng pagbaha sa Marikina ang mga residente, kung saan umaabot sa ikalawang palapag ng mga bahay ang baha.

“Pakinggan naman kaming mga ordinaryong mamamayan na biktima ng krisis at pagbaha. Sawa na kami sa drama—gusto namin ng agarang aksyon sa tumataas na presyo. Gusto naming makulong ang malalaking operator sa flood control scam,” ani ni Romero.

AB: Palarong “Piñata” laban kina Bato at Sara, inilunsad ng mga nanay sa Marikina City