Palayain si Adora Faye de Vera, simbolo ng brutalidad ng batas militar
Nanawagan ang grupong Kapatid at mga kamag-anak ni Adora Faye de Vera, 66, beteranong aktibista kontra-diktadura na kagyat siyang palayain at ibalik sa Maynila para para matiyak ang kanyang kaligtasan at mabigyan siya ng atensyong medikal.
Apela ng kanyang anak na si Ron de Vera, matanda na at may malubhang sakit ang kanyang ina na siyang dahilan kung bakit nasa Maynila ito. Aniya, mayroong chronic asthma at iniindang mga kumplikasyon ang kanyang ina.
Inaresto si Adora sa Teachers Village East, Quezon City noong Agosto 24 batay sa gawa-gawang kasong multiple murder with the use of explosives at multiple frustrated murder na isinampa laban sa kanya noong 2006. Agad siyang inilipad sa Iloilo. Nakakulong siya ngayon sa bayan ng Calinog.
“Umaapela kami sa gubyerno na bigyan siya ng pagkakataon na mabuhay nang tahimik at magtamasa ng tamang atensyong medikal,” anang nakababatang de Vera. Umaasa siyang palalayain ang kanyang ina sa batayang makatao at pahihintulutan ang kanilang pamilya na alagaan ang beteranong aktibista.
Ayon naman sa Kapatid, maaaring ipailalim sa kostudiyang legal ng kanyang kapatid na si Prospero de Vera si Adora Faye.
“Sino ang mas mahusay na guarantor kundi ang isang kapatid na niredtag ang kanyang ate para patunayang hindi siya “umaayon sa mga pananaw o sumusuporta sa mga aksyon” nito at “buo” ang kanyang suporta sa gubyernong sa mga pagtatangka nitong gapiiin ang insurhensyang komunista?” Malinaw sa mga aksyon ni Prospero na walang silbi sa kanya ang kasaysayan at mas mahalaga para rito ang pagmamanikluhod kay Marcos, ayon pa sa grupo.
Sino si Adora Faye?
Si Adora Faye ay kabilang sa libu-libong aktibista at siblyan na dumanas ng pagkakakulong, tortyur at panggagahasa noong panahon ng batas militar. Sinisimbolo niya ang brutalidad ng batas militar sa mga kababaihang detenidong pulitikal.
Taong 1976 nang dukutin siya at kanyang mga kasama na sina Rolando Federis at Flora Coronacion ng mga elemento ng estado sa Quezon Province, sa kanyang salaysay, hinubaran sila ng hindi bababa sa 20 kalalakihan, ininteroga at tinortyur. Ginahasa si De Vera at Coronacion ng 14 na elemento ng Military Intelligence Security Group at Philippine Constabulary. Sina Federis at Coronacion kalaunan ay winala ng mga militar.
Siyam na buwan siyang itinago at paulit-ulit na ginahasa ng mga berdugong AFP bago siya nakatakas.
Kalaunan ay sumampa siya sa Bagong Hukbong Bayan, sa rehiyon ng Bicol kung saan siya buong panahong naglingkod sa masang magsasaka. Taong 1983 nang masugatan ang kanyang binti matapos ambusin ng mga pasistang tropa ni Marcos Sr.
Kabilang si Adora sa daan-daang mga bilanggong pulitikal na lumaya matapos bumagsak ang diktadurang US-Marcos. Isa rin siya sa nanguna na magsampa ng class suit laban sa mga Marcos sa mga paglabag nito sa karapatang-tao.
Ang paninindigan niya ay simbolo ng paglaban ng libu-libong kababaihang ginahis ng rehimeng Marcos. Nagpatuloy siya sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Buong tatag niyang hinarap ang sakripisyo, ang karamdaman, ang hirap at layo ng paglalakbay para lamang makiisa sa masang manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor ng lipunan.
Sa pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas, kinundena nito ang iligal na pag-aresto kay Adora. “Sa utos ni Marcos, hibang na tinugis ng kanyang mga pasistang tuta si Adora Faye upang siya’y muling itapon sa kulungan.”
“Para sa lahat ng kanyang paglilingkod sa kapakanan ng api at pinagsasamantalahang masa, marapat lamang na palayain si Adora Faye De Vera!” pagwawakas ng pahayag ng PKP.
Nakiisa rin sa panawagan para sa agad na pagpapalaya niya si Judy Taguiwalo, kapwa beteranong aktibista laban sa diktadura, aniya, si Adora ay hindi kriminal kundi rebolusyonaryo. Ibinahagi rin ni Taguiwalo na ang mga tulad ni De Vera ay kanyang ginagamit bilang sanggunian sa pagtuturo ng women’s studies sa University of the Philippines Diliman.