Balita

Pambayad-utang ng Pilipinas, tumaas nang 37%

Pumalo sa ₱834.33 bilyon ang kabuuang halagang ginastos ng rehimen sa pagbabayad-utang noong huling linggo ng Hulyo, mas mataas nang 37% kumpara sa ₱608.26 bilyon na naitala sa parehong panahon noong 2020. Ito ay kasunod ng todong pangungutang ng rehimeng Duterte mula pa noong nakaraang taon sa tabing ng pagsugpo sa pandemya at muling pagpapasikad sa ekonomya.

Pangunahing dahilan ng pagtaas ang kinakailangang bayaran ng rehimen para sa amortisasyon ng mga utang nito. Sa nasabing halaga, ₱566.77 bilyon ang ibinayad ng rehimen para sa amortisasyon. Mas mataas ito nang 57% kumpara sa naitalang ₱361.2 bilyon noong nakaraang taon. Sa kabilang panig, tumaas naman nang 8.3% ang ibinayad ng rehimen sa pagbabayad ng interes sa utang mula ₱247.06 bilyon tungong ₱267.56 bilyon sa parehong panahon.

Ang ibinayad nito ay katumbas na ng 44% ng kabuuang ₱1.29 trilyon na inilaan ng rehimen para sa pagbabayad-utang ngayon taon. Sa halagang ito, ₱758.32 bilyon ang inilaan para sa amortisasyon at ₱531.55 bilyon naman para sa pagbabayad ng interes. Mas mataas ito nang higit sangkatlo kumpara sa ₱962.47 bilyong ibinayad sa utang ng rehimen noong 2020.

Sa kabuuan, tinatayang pumalo na sa ₱11.61 trilyon ang pambansang utang ng Pilipinas noong Hulyo, mas mataas nang 26.7% kumpara sa ₱9.16 trilyon na naitala noong nakaraang taon.

AB: Pambayad-utang ng Pilipinas, tumaas nang 37%